![]() |
LUNGSOD NG PASAY, 8 Nobyembre 2025 — Nakikiisa ang Department of Education (DepEd) sa pamayanang Muslim at sa buong bansa sa paggunita ng Sheikh Karim’ul Makhdum Day nitong Biyernes, bilang pagpupugay sa misyonerong nagpasimula ng Islam sa Pilipinas at nagtayo ng kauna-unahang mosque sa bansa noong ika-14 na siglo.
Ang pagdiriwang ay alinsunod sa Republic Act No. 12228 na nagdedeklara sa bawat Nobyembre 7 bilang “Sheikh Karim’ul Makhdum Day,” isang special national working holiday bilang pagkilala sa pagtatatag ng unang mosque sa Pilipinas at sa pagdating ng Islam sa ating kapuluan.
Ang batas ay nilagdaan noong Hulyo 9, 2025, na pangunahing inakda ng noo’y Senador at ngayo’y Education Secretary Sonny Angara. Kabilang sa mga co-author sina Senador Francis Tolentino, Joel Villanueva, at Bong Go, habang si Senador Robinhood Padilla naman ang nagsponsor ng panukala.
Ayon kay Secretary Angara, kinikilala ng batas hindi lamang ang isang mahalagang yugto sa kasaysayan kundi pati ang walang kupas na kapangyarihan ng pananampalataya at pagkatuto upang pag-isahin ang mga mamamayan.
“Sheikh Karim’ul Makhdum’s journey reminds us that the seeds of faith were also seeds of knowledge,” ani Angara. “His story is proof that education, whether through books, belief, or tradition, has always been our nation’s path to peace and understanding.”
Sa mensaheng ibinahagi sa isang programa sa Cuneta Elementary School sa Pasay City, hinikayat ni Undersecretary at Chief of Staff Fatima G. Panontongan ang mga mag-aaral at guro na isabuhay ang aral at pamana ni Sheikh Karim’ul Makhdum.
“As we celebrate Sheikh Karim’ul Makhdum Day, let us continue to keep alive our renewed faith and hope in learning,” wika ni Panontongan. “This celebration serves as both a reminder and an inspiration—of the life of Sheikh Karim’ul Makhdum, who once brought the light of knowledge to our land.”
Sa isang hiwalay na mensahe, pinuri ng Office of Senator Robin Padilla, sa pamamagitan ng Director for Muslim Affairs Samira Gutoc, si Secretary Angara sa kanyang inisyatiba na maisabatas ang paggunita at sa patuloy na pagpapatibay ng ugnayan sa pagitan ng mga Muslim at hindi Muslim na komunidad.
Binuksan ni Gutoc ang kaniyang talumpati sa isang panalangin at tinawag ang okasyon bilang “a national fiesta of understanding and peace.”
Binigyang-diin din niya na pinatitibay ng pagdiriwang na ito ang ugnayan ng Pilipinas sa mga karatig-bansa sa ASEAN, at pinagtitibay ang malalim na diwa ng kapayapaang espirituwal na dala ng okasyong ito para sa bawat Muslim.


