BACOLOD CITY, 12 Nobyembre 2025 — Bilang bahagi ng whole-of-government effort sa disaster recovery na pinapangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., bumisita si Education Secretary Sonny Angara sa misyon sa Negros Occidental nitong Martes upang magbigay ng agarang tulong sa mga apektadong paaralan matapos ang malawakang pinsalang dulot ng Bagyong Tino sa probinsya.

Kasama ni Angara si Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson, at iba pang lokal na opisyal sa pakikipagpulong sa mga evacuee at local stakeholder sa mga komunidad na naapektuhan ng bagyo.

Sinuri rin ng grupo ang mga nasirang paaralan at tulay at pinangunahan ang pamamahagi ng Starlink units mula sa DICT at mga laptop mula sa ConnectED ng Her Legacy Project Foundation Inc. sa La Castellana ES, Moises Padilla ES, Roberto Salas Benedicto ES, at Jose Pepito Montilla Garcia NHS upang maibalik ang connectivity at masuportahan ang learning continuity measures. Bawat LGU sa Binalbagan, La Carlota, at La Castellana ay nakatanggap din ng isang Starlink unit.

“Ang tanong namin ay, ano ang maibibigay namin kaagad?” sabi ni Kalihim Angara, kaugnay sa agarang pangangailangan na inilabas ng mga punong-guro. “Iyon ang hiniling ng paaralan. Wala silang koneksyon sa internet. Kaya kami ay nagbibigay ng humigit-kumulang 30 yunit ng IT equipment—mga laptop at Starlink connectivity—para sa agarang paggamit sa mga apektadong paaralan.”

Pinangunahan din ni Angara ang pamamahagi ng mga Edukahon na naglalaman ng food packs at learning kits bilang bahagi ng tuloy-tuloy na tulong ng DepEd sa mga apektadong pamilya.

Sa isang courtesy call at situational briefing sa Provincial Capitol sa Bacolod City, nakipagpulong din sina Angara at Frasco kay Gov. Lacson at iba pang kinatawan ng local na pamahalaan para sa relief at recovery operations.

Ayon sa situation report ng DepEd, tinatayang 1,726 na silid-aralan sa buong Negros Island Region ang nasira ng Bagyong Tino, kabilang ang 277 na ganap na nawasak at 424 na may malaking pinsala, na may tinatayang halaga ng pagkukumpuni na humigit-kumulang ₱954.7 milyon. Nasa higit sa 64,000 na mag-aaral at 3,500 kawani ng DepEd naman ang direktang naapektuhan ng bagyo sa probinsya lamang.

“We are coordinating closely with the President and national agencies to accelerate the rehabilitation of affected schools across all impacted provinces,” ani Angara. “Our goal is simple: rebuild quickly, rebuild better, and rebuild safer.”

Patuloy ang pagsasagawa ng mga inhinyero ng DepEd sa rehiyon at dibisyon ng structural integrity checks, habang nagsimula na rin ang minor repairs at cleanup operations kasabay ng koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, Department of Public Works and Highways (DPWH), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Binigyang-diin ni Angara na ang agarang prayoridad ng Kagawaran ay maibalik ang ligtas na kapaligiran para sa pagkatuto sa pamamagitan ng pansamantalang learning spaces, modular learning programs, at emergency resource mobilization para sa mga guro at mag-aaral.