PUERTO PRINCESA CITY, 17 Nobyembre 2025 — Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) ang pangmatagalang reporma sa basic education sa nationwide Management Committee (MANCOM) Meeting kung saan tinalagay ang learning continuity, system integrity, at kahandaan ng mga paaralan lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng sakuna.

“Ang bilin ng Pangulong Bongbong Marcos Jr., tungkulin natin ay hindi lang tumugon sa problema,” ayon kay Angara, na sinamahan ang Pangulo sa post-disaster rehabilitation efforts sa Negros Occidental nitong weekend. “Ang tungkulin natin ay ayusin ang ugat ng problema para hindi na ito maulit sa susunod na henerasyon.”

Sa Palawan, iniulat ng division na may 781 silid-aralang nasira dahil sa Bagyong Tino, at kasalukuyan pa ring inaayos ang mga ito. Samantala, nagpapatuloy ang paggamit ng modular at digital Alternative Delivery Modes (ADMs) sa mga lugar na hindi pa matatag ang supply ng kuryente at koneksyon sa internet.

Ayon sa DepEd, ang pinsala sa mga paaralan sa mga island provinces ay muling nagpapakita ng pangangailangan para sa mas matibay na imprastraktura, mas malakas na ADM systems, at mas angkop na pondo batay sa paulit-ulit na panganib. Binanggit din na ang mga dibisyong madalas mag-suspend ng klase ay nangangailangan ng mas tiyak at tuloy-tuloy na suporta.

Nagbigay rin ng ulat ang mga regional directors mula Regions II, CAR, IV-A, V, NIR, at VII tungkol sa kanilang pagtugon sa mga nagdaang bagyo, kabilang ang classroom damages at pagpapatuloy ng modular at digital learning, habang tinatalakay ang mas malawak na estratehiya sa buong bansa.

Ipinrisenta rin ang ilang national reforms, kabilang ang mga update sa Strengthened Senior High School Program (SSHS), kung saan nagpakita ng pangkalahatang positibong resulta ang mabilisang pagsusuri sa unang kwarter. Kasalukuyang isinasagawa ang field piloting at finalization ng SSHS Monitoring Tool (SSHSMT). Dahil nakasentro sa agrikultura, pangingisda, at ekoturismo ang merkado ng paggawa sa MIMAROPA, tinalakay rin ang pagsasaayos ng mga kurso batay sa aktwal na kalakaran ng merkado at industry roadmap ng rehiyon upang higit pang mapabuti ang programa.

Napag-usapan din ang internal governance at kredibilidad ng kwalipikasyon ng mga guro. Inilahad ng DepEd na pinal na ang bagong guidelines para sa national registry ng mga kinikilalang teacher education programs. Sa pamamagitan nito, masusuri ng ahensya ang mga credentials na isinusumite para sa hiring at promotion, makapagbibigay ng advisories sa field offices, at makikipag-ugnayan sa mga oversight agencies upang maiwasan ang pagtanggap ng mga unaccredited programs.

Ang mga hakbang na ito, katuwang ang Commission on Higher Education (CHED), Teacher Education Council (TEC), Professional Regulation Commission (PRC), at Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), ay naglalayong wakasan ang pagkakataon para sa operasyon ng ‘diploma mill’ at tiyaking ligtas at patas ang proseso ng promosyon sa buong bansa.

Samantala, sinabi ng DepEd na nagpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y “items-for-sale” activities at isinasagawa ito ayon sa tamang proseso. May mga preventive measures na ipinatutupad at may dagdag pang safeguards na ilalagay upang maprotektahan ang proseso ng appointment at promotion.

Bago ang pulong, nakipagpulong din si Sec. Angara kay Palawan Governor Amy Alvarez at bumisita sa Palawan National School, ang pinakamalaking pampublikong paaralan sa Rehiyon IV-B, na nagsisilbi sa humigit-kumulang 10,000 mag-aaral sa ilalim ng Puerto Princesa City Schools Division Office.

Binigyang-diin ng ahensya na ang mga hakbang na isinagawa sa MIMAROPA ay bahagi ng mas malawak na aksyon para sa learning recovery, transparency ng sistema, at paunlarin ang mga guro at kawani sa edukasyon. Ang mga output ng MANCOM ay magsisilbing batayan sa mga paparating na polisiya sa resilient infrastructure, early-grade literacy, pag-aangkop ng SHS program, at expanded career progression.