![]() |
PUERTO PRINCESA CITY, 18 Nobyembre 2025 — Pinaigting ng Department of Education (DepEd) ang mga hakbang sa rehabilitasyon at learning continuity efforts sa mga paaralan na lubhang naapektuhan ng Super Typhoon Uwan at Typhoon Tino.
Itinampok ang mga update sa DepEd Management Committee Meeting sa Puerto Princesa City, na nagpapakita kung paano naghanda ang mga regional offices bago pa man tumama ang bagyo at kung paano nila pinananatili ang pag-aaral sa mga lubhang naapektuhang lugar.
Pinagtibay pa ang mga hakbang na ito nitong Martes nang makipag-inspeksyon sa Bicol si Education Secretary Sonny Angara kasama si Presidente Ferdinand Marcos Jr., kung saan binisita nila ang Cararayan-Naga Elementary School sa Tiwi, Albay.
“Hindi tayo titigil sa pag-aayos ng mga paaralan, sa pagbibigay ng alternatibong paraan ng pag-aaral, at sa pagbabalik ng bawat bata sa kanilang karapatan sa edukasyon nang ligtas at mabilis,”ani Sec. Angara.
Lumabas na ang Region V ang pinakamatinding apektado. Ayon sa ulat, 807 paaralan ang nasira, na nakaapekto sa kabuuang 5,742 silid-aralan. Sa bilang na ito, 743 ang tuluyang nasira, na may pinakamalaking epekto sa Albay (237 silid-aralan), Masbate (229), at Catanduanes (190). Umabot sa 1,307 silid-aralan ang major damages, habang 3,664 ang minor damages.
Naglaan na ang DepEd ng ₱326 milyon para sa Region V upang tugunan ang pinsala sa 1,319 paaralan. Inihahanda ring ngayong linggo ang karagdagang pondo para sa clean-up, clearing operations, at minor repairs.
Ipinapakita rin ng mga field report ng DepEd na nagsimula ang paghahanda ilang araw bago tumama ang Uwan. Ilang rehiyon ang nag-preposition ng Self-Learning Modules, Learning Activity Sheets, at Dynamic Learning Program materials upang maipagpatuloy ang pag-aaral kahit na may brownout, baha, o saradong daan. Sa Region V, nakatulong ang mga hakbang na ito upang mabilis makabangon ang mga paaralan pagkatapos ng bagyo.
Iniulat naman ng DepEd na karamihan sa mga rehiyon ay nakabalik na sa face-to-face classes simula Nobyembre 12, 2025, kabilang ang mga paaralang ginamit bilang evacuation centers.
Bukod sa pagpapatuloy ng pag-aaral, nagsagawa rin ang mga regional teams ng mabilisang damage assessment, nag-organisa ng clean-up drives, at nakipagtulungan sa mga LGU at volunteers upang muling buksan ang mga paaralan.
Gumamit din ang ibang rehiyon ng blended setups gamit ang online lessons, printed modules, at SMS-based communication depende sa connectivity at kondisyon ng komunidad. Nakatulong ang early-warning protocols at pre-distributed learning materials upang mabawasan ang pagkaantala ng klase dahil sa bagyo.
Binanggit ng DepEd na nakatuon ang rehabilitasyon sa pagtatayo ng upgraded temporary learning spaces sa mga paaralan na may major o total damage, pagpapalawak ng ADM training para sa mga guro, at pagpapalakas ng coordination at reporting systems sa mga LGU. Mahalaga rin ang tuloy-tuloy na psychological support at maayos na paggamit ng pondo upang mapabilis ang rehabilitasyon.
Ang joint inspection nina Presidente Marcos at Secretary Angara ay sumasalamin sa aksyon ng pamahalaan upang maibalik ang ligtas at maayos na kapaligiran sa pag-aaral habang patuloy na nagbabangon ang mga komunidad.


