![]() |
LUNGSOD NG PASIG, 19 Nobyembre 2025 — Klaro ang mensahe ng Department of Education (DepEd): edukasyon pa rin ang pinakamataas na prayoridad ng gobyerno. Ito ang iginiit ng ahensya matapos personal na silipin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang sitwasyon sa Albay at pangunahan ang pagbubukas ng in-upgrade na PhilSports Complex sa Pasig.
Sa Cararayan-Naga Elementary School sa Tiwi, Albay, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na inatasan ang DepEd at iba pang ahensya na pabilisin ang relief efforts, ayusin ang nasirang paaralan, at bigyan ng psychosocial support ang mga batang matindi ang pinagdaanan. Nagdala rin ang DepEd ng learning kits sa evacuation centers para siguraduhing hindi mapuputol ang pag-aaral kahit may kalamidad.
“Mandato natin sa DepEd na tiyakin na ligtas ang ating mga mag-aaral at nabibigay ang kanilang mga kinakailangan, lalo sa panahon ng sakuna. The President’s emphasis on the welfare of children and the continuity of education reinforces our work on the ground,” sabi ni Angara.
Mula Albay, sinamahan ni Sec. Angara si Pangulong Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos sa pagbubukas ng bagong PhilSports Complex sa Pasig kasama sina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman John Patrick “Pato” Gregorio at Philippine Olympics Committee (POC) President Abraham Tolentino nitong Miyerkules.
Pinakita sa programa ang pinagandang mga dorms at opisina, pag-aayos ng aquatic center, at pagbuhay sa Philippine Sports Museum. Target nito ang mas malakas na suporta sa mga atleta at mas malawak na access para sa kabataan na gustong sumabak sa sports.
“Sa loob ng maraming dekada, ang iba’t ibang sports complex sa bansa ang nagsilbing tunay na tahanan ng ating mga pambatong atleta,” ani Angara. “With the country hosting the first-ever FIFA Futsal Women’s World Cup starting this Friday, DepEd gives its full support to PSC and the Marcos administration in strengthening sports programs to uplift the Filipino spirit of discipline and excellence.”
Ayon sa DepEd, magka-kabit ang lahat ng ito — mula sa pag-aasikaso sa mga batang nasalanta hanggang sa pagbibigay ng maayos na sports facilities — para maabot ang mas malinaw na direksyon ng administrasyon para sa edukasyon.
“Whether in evacuation centers or national training grounds, the direction is clear—education, child welfare, and youth development remain at the core of government action,” sabi ni Angara.
END


