CLARK, PAMPANGA, 20 November 2025 — Isinagawa ng Department of Education (DepEd) ang kauna-unahang Classroom Summit nitong Huwebes, na dinaluhan ng mga ahensya ng gobyerno, private contractors, lokal na pamahalaan, at mga development partners, upang tugunan ang mga pagkaantala sa konstruksyon ng mga silid-aralan at paigtingin ang flexibility, innovation, transparency, accountability, at good governance sa edukasyon at imprastruktura.

Matagal nang hinaharap ng DepEd ang classroom backlog na tinatayang nasa 165,000 noong 2022. Dati, kanya-kanyang datos at hiwa-hiwalay na koordinasyon ang nagiging dahilan ng mabagal na konstruksyon sa iba’t ibang rehiyon. Sa Summit, sabay-sabay na nireview ng mga stakeholder ang classroom prototypes, sumali sa technical sessions, at pinag-usapan ang kapasidad ng konstruksiyon para mas mapaayos ang rollout.

Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na layunin ng pagtitipon na putulin ang lumang cycle ng delay at paigtingin na maisakatuparan ang education agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“We all know this is one of our more intractable problems at DepEd, and we’re hoping today’s activities will help provide clear solutions and ways forward. And definitely, DepEd is committed to working with various actors both in and out of government to make the President’s plan succeed,” pahayag ni Angara.

Isa sa mga tampok sa Summit ang paglunsad ng Strategic Resource Inventory for Deployment Efficiency (STRIDE) Dashboard, isang platform na pinag-iisa ang enrollment, staffing, at infrastructure data para mas makita ng mga regional at division office kung saan pinaka-kailangang magtayo ng classrooms at magdeploy ng personnel. Mas malinaw rin ang data mapping para sa mas tumpak na pagpaplano.

Bukod dito, nakatuon ang summit sa pagpapatibay ng planning at procurement readiness sa pamamagitan ng mas malawak na pakikipag-ugnayan sa contractors, suppliers, at iba pang partners para maihanay sa kapasidad at mga bagong inobasyon sa merkado. Nagsilbi rin itong market scoping activity ng DepEd alinsunod sa Republic Act No. 12009 (New Government Procurement Act) na inakda noon ni Senador at ngayon ay Kalihim Sonny Angara.

Tinalakay sa breakout sessions ang contractor accreditation, climate-resilient designs, financing options, at contract implementation. Tampok sa exhibits ang standard DepEd classroom at isang disaster-ready temporary learning space para sa mga lugar na tinatamaan ng bagyo at lindol.

Binigyang-diin ni DepEd Undersecretary at Chief of Staff Fatima Panontongan ang sentrong layunin ng lahat ng ito.

“Sa dulo, simple ang layunin: bigyan ang bawat batang Pilipino ng ligtas, matibay, at makabagong silid-aralan. With partners who believe in flexibility, innovation, transparency and accountability, kaya nating marating ito,” aniya.

Pinangunahan naman ni Undersecretary Peter Corvera ang Pledge of Commitment for Maayos, Mabilis, at Malinis na Procurement, na layong himukin ang mga kawani na iwasan ang mga dating delay at tiyaking mas mabilis at mas maayos ang paghatid ng school infrastructure at resources sa buong bansa.