BANDAR SERI BEGAWAN, BRUNEI, 21 Nobyembre 2025 – Pormal na sumabak na sa kompetisyon ang 200-member Philippine delegation sa pagbubukas ng 14th ASEAN Schools Games (ASG) nitong Huwebes, isang patunay sa patuloy na suporta ng Department of Education (DepEd) at Philippine Sports Commission (PSC) sa paghubog ng kabataang atleta.

Nakaayon ang paglahok ng bansa sa sports development agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na layong patatagin pa ang school-based sports bilang mahalagang bahagi ng paghahanda ng mga batang atleta para sa mas mataas na antas ng kompetisyon.

Pinangungunahan ng Chef de Mission na si Dr. Miguel Angelo Mantaring, Director IV ng DepEd-Bureau of Learner Support Services, ang delegasyon. Kaagapay niya si Deputy Chef de Mission Cesar Abalon, Chief ng BLSS–School Sports Division, sa pangangasiwa sa mga atletang sasabak kasama ang walong bansa mula sa ASEAN.

Sasali ang Pilipinas sa walong sports: Athletics, Badminton, Basketball, at Swimming, gayundin ang Netball, Pencak Silat, Sepak Takraw, at Wushu. Kabuuang 340 medals ang ihahain sa iba’t ibang events sa buong kompetisyon.

Sa kanyang mensahe, hinimok ni Education Secretary Sonny Angara ang mga atleta na panatilihin ang integridad at dedikasyon. “Ang mahalaga ay ma-enjoy ninyo ang bawat sandali, makabuo ng pagkakaibigan, at maiuwi ang mga life lessons na matututunan ninyo sa bawat laban. Keep fighting with fairness, dignity, and pride, and always carry our flag with honor,” aniya.

Muling tiniyak naman ni PSC Chairman Pató Gregorio ang suporta ng ahensya at ang mas pinatibay na koordinasyon nito sa DepEd. “We are sincere, we are driven, and we want to make our athletes happy,” wika niya.

Layunin ng delegasyon na higitan ang sixth-place finish nito sa nakaraang ASG sa Da Nang, Vietnam. Itinuturing ng DepEd at PSC ang kompetisyon bilang mahalagang bahagi ng pagpapalawak ng youth sports at ng adbokasiya ng administrasyon para sa mas malawak na partisipasyon ng kabataan sa sports.

Bukod sa kompetisyon, pinapalakas ng DepEd ang school-based sports program. Bawat sports club ay required magkaroon ng 2–3 oras na activities kada linggo, hindi bababa sa isang oras bawat session. May updated listahan ang DepEd ng mga clubs sa bawat paaralan at magsasagawa ng survey sa mga paaralang wala pang club para matukoy at matugunan ang kakulangan.

Kasabay nito, nagpapatupad ang DepEd ng advocacy campaigns para hikayatin ang physical activity sa school breaks, bilang bahagi ng 5-point Reform Agenda ni Sec. Angara para sa health at well-being ng mga learners. Nakikipag-ugnayan rin ang DepEd sa PSC para mas mapalakas ang school-based sports program.