LUNGSOD NG PASIG, 26 Nobyembre 2025 – Inilunsad ng Department of Education (DepEd) nitong Martes ang Inclusive Employment (IE) Policy, bilang mahalagang hakbang sa pag-aayos ng internal systems matapos ang ilang taon ng magkakaibang paraan ng pagpapatupad ng diversity at non-discrimination sa iba’t iba nitong tanggapan.

Ang nasabing polisiya (DepEd Order No. 30, s. 2025), na ipinresenta sa harap ng mga ahensiya ng pamahalaan, foreign partners, civil society groups, mga guro, at empleyado, ay nakaayon sa education agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing moderno ang teaching force at palakasin pa ang kultura ng institusyon.

Sa kanyang keynote address, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na layunin ng polisiya na tiyaking ligtas, patas, at may dignidad na kapaligiran para sa mahigit isang milyong teaching at non-teaching personnel sa buong bansa.

“Kung itinuturo natin sa mga kabataan na ang respeto ay dapat pantay-pantay, dapat iyon din ang nararanasan ng bawat kawani sa DepEd. Wala at hindi magkakaroon ng puwang ang diskriminasyon sa ating mga opisina at paaralan. Panahon na para maramdaman ng bawat empleyado na may lugar sila, may boses sila, at may pagkakataon silang umunlad,” ani Sec. Angara.

Bago ito, iba-iba ang pagpapatupad ng inclusion practices sa bawat rehiyon at dibisyon. Marami ring empleyado ang nakaranas ng hindi pantay na oportunidad at hindi pare-parehong proteksyon sa lugar ng trabaho.

Pinag-isa ng IE Policy ang lahat ng ito sa iisang governance system na nagtatakda ng malinaw na pamantayan sa equal opportunity para sa hiring, promotion, at pang-araw-araw na operasyon sa opisina. Pinakikilala rin nito ang mas malinaw na pananagutan, kabilang ang taunang inclusion reports mula sa lahat ng antas ng pamamahala.

Ipinahayag naman ng stakeholders mula sa Australian Embassy, The Asia Foundation, Department of Social Welfare and Development – Diversity and Inclusion Committee, at iba’t ibang women’s at labor organizations ang kanilang suporta–na nagsabing papalapit ang DepEd sa global standards pagdating sa HR culture.

Malugod naman itong tinanggap ng civil society leaders, lalo na para sa mga empleyadong dati nang nahirapan sa pagkuha ng accommodations, career advancement, o nakaranas ng bias dahil sa disabilidad, identity, relihiyon, kasarian, edad, o familial status.

Binilin ni Angara na ang bagong polisiya ay hindi lamang makahulugan, kundi may direktang tugon, bilang hakbang para sa mas consistent, accountable, at transparent na workplace culture. Kasabay nito, inaprubahan ng Senado kahapon ang 2026 budget proposal ng DepEd–ang pinakamalaki sa kasaysayan–na may malaking dagdag sa mga bagong posisyon para sa teaching at non-teaching personnel at makatutulong sa mas maayos na pagpapatupad ng IE Policy.