LUNGSOD NG MAKATI, 27 Nobyembre 2025 — Nagpasalamat si Education Secretary Sonny Angara sa malalaking business at education groups matapos nilang muling ipahayag ang tiwala sa kasalukuyang pamunuan ng DepEd, at sinabi niyang ang pagkilalang ito sa pagtutok ng Departamento sa transparency, data-driven policymaking, at mas malawak na collaboration ay lalo pang nagpapatibay sa mga reporma sa ilalim ng education agenda ni President Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa pag-endorso ng proposed P1.38-trillion allocation para sa education sector sa 2026 national budget, sinabi ng Philippine Business for Education (PBEd), Makati Business Club (MBC), Management Association of the Philippines (MAP), Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA), at Association of Foundations na mahalaga ang patuloy na tiwala sa direksiyon ng reporma ni Angara upang matiyak na ang malaking pondo ay magdulot ng makabuluhang improvement sa basic education system.

“We reiterate our confidence in Sec. Sonny Angara and the current team of DepEd, whose commitment to transparency, data-driven policymaking, and collaboration provides the stability needed to advance key reforms,” ayon sa joint statement.

Sinabi rin ng DepEd, na nakatanggap ng PhP1.044-trillion sa Senate version ng General Appropriations Bill, na sinusuportahan nito ang panawagan ng private sector na mas ilapit ang education spending sa global benchmarks at tiyakin ang mas mahigpit na transparency at accountability measures sa bicameral conference committee deliberations.

Malinaw ang direksiyong ibinigay ni President Marcos—palakasin ang puhunan sa ating mamamayan,” ani Angara. “Gagawin namin ang lahat para masigurong sulit ang bawat pisong inilalagay sa edukasyon at ramdam ito ng mga mag-aaral, guro, at magulang sa kanilang mga paaralan at komunidad.”

Binigyang-diin ng DepEd na tugma ito sa ginagawang mga reporma sa loob ng ahensiya, kabilang ang paglulunsad ng DepEd Open Data (Project BUKAS), pinabilis at flexible na classroom procurement processes, at pagpapatibay ng evidence-based policymaking para sa mas maayos na pagpapatupad ng pondo at programa.

Ipinunto rin ni Angara na mas pinalawak ng kanyang pamumuno ang pakikipagtulungan sa private sector at development organizations. Simula nang maitalaga siya, lumawak ang mga proyekto sa teacher upskilling, digital learning support, curriculum enhancement, at learning remediation.

Kabilang dito ang mga inisyatiba kasama ang business community, philanthropic groups, publishers, at international partners kagaya ng UNICEF, World Bank, Asian Development Bank (ADB), UNESCO, USAID, and SEAMEO-INNOTECH para palakasin pa ang suporta sa pampublikong edukasyon.

“Tinutulungan tayo ng mga partnership na ito na buhayin muli ang kumpiyansa sa public school system,” wika ni Angara. “Nagdadala sila ng expertise, innovation, at accountability para mas mapabuti ang learning outcomes.”

Dagdag pa niya, ang tiwalang ipinapakita ng pinakamalalaking business at education institutions sa bansa ay malinaw na senyales na papunta ang sektor sa mas matatag, data-driven, at collaborative na reform environment.