|
MANILA, 28 Nobyembre 2025 – Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinalawig ng Department of Education (DepEd) at Department of Agriculture (DA) ang access ng mga guro at kawani sa abot-kayang pagkain sa pamamagitan ng pagdadala ng KADIWA ng Pangulo Rice-For-All (RFA) Program at P20 Benteng Bigas Meron (BBM) Na Programs sa mga paaralan at opisina ng DepEd.
Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang food security at social protection sa loob ng mga komunidad ng pamahalaan, magtatayo ng mga Kadiwa Center sa loob ng mga pasilidad ng DepEd upang direktang makabili ang mga guro, non-teaching personnel, at iba pang kwalipikadong benepisyaryo ng P20 bigas at iba pang produktong agrikultural na direkta mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.
“Lubos ang ating pasasalamat kay Pangulong Bongbong at kay Sec. Kiko dahil ang ganitong mga inisyatiba ay konkretong tulong sa bawat pamilyang Pilipino. Full support ang DepEd upang masigurong may puwang ang Kadiwa Centers sa ating mga paaralan—para sa kapakanan ng ating mga guro, magulang, at mag-aaral,” ani Angara.
Batay sa patakaran ng DA para sa Rice-for-All Program, ang sumusunod ang pangunahing kwalipikadong benepisyaryo ng P20 Rice Project: senior citizens, persons with disabilities, solo parents, 4Ps beneficiaries, farmers, farmworkers, at fisherfolk.
Ayon sa DA, maaari ring kabilang ang ibang sektor na kikilalanin ng mga katuwang na ahensya—kabilang ang mga public school teaching at non-teaching personnel ng DepEd, na pormal nang kinilala bilang benepisyaryo sa ilalim ng bagong MOU.
Responsibilidad ng DepEd ang pag-validate ng benepisyaryo tuwing araw ng bentahan at pag-aayos ng buwanang selling schedules, habang titiyakin ng DA ang tuloy-tuloy na suplay mula sa mga accredited cooperatives.
Magtutulungan ang dalawang ahensya sa monitoring, pagresolba sa reklamo, at pagpapahusay ng operasyon upang maging mas madali ang access ng mga guro at empleyado.
Pinatitibay rin ng programa ang iba pang inisyatiba ng DepEd sa nutrisyon, tulad ng School- Based Feeding Program at Gulayan sa Paaralan. Layunin nitong gawing mas matatag ang food security sa mga paaralan at bawasan ang gastusin ng mga guro at kawani sa pangunahing bilihin.
Bahagi rin ito ng mga direktiba ng Pangulo sa SONA para palawakin ang food security at suportahan ang mga layunin ng bansa sa nutrisyon, pagbabawas ng kahirapan, at napapanatiling pag-unlad, na tumutugma sa Sustainable Development Goal No. 2 o Zero Hunger.


