LUNGSOD NG PASIG, 28 November 2025 — Nakikita ng Department of Education (DepEd) na ang buong suporta ng Senado at iba pang education stakeholders sa direksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mas matibay at makabagong basic education system, matapos ang pag-endorso sa PhP85.41 bilyon para sa Basic Education Facilities sa 2026.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, malinaw na nagpapakita ang mas mataas na pondo ng tiwala sa mga repormang ginagawa ng ahensya para pabilisin ang procurement, palakasin ang partnerships, at palawakin ang construction modalities. Mula sa PhP28.06 bilyon, itinuturing itong pinakamalaking pag-angat na nagpapakita ng suporta sa education agenda ng administrasyon.
“Malinaw ang mensahe na handang tumaya ang pamahalaan para sa kabataan. Basta may pondo at reporma, mas mabilis nating maipapatayo ang mga paaralan,” sabi ni Angara.
Suportado rin ng Senado ang pagbibigay ng mas malawak na flexibility sa DepEd. Inendorso ng mga senador ang paggamit ng iba’t ibang modalities—partnerships sa LGUs, pakikipagtrabaho sa CSOs, pag-leasing ng classrooms, PPP models, at piling implementasyon sa DPWH.
Binigyang-diin din ang agarang pangangailangang tugunan ang classroom gap, na inilarawan sa pagdinig bilang “timba na pinupunuan natin pero may butas yung timba,” dahil sa condemned rooms, pinsala mula sa kalamidad, at taunang pagdami ng enrolment.
Sina Senate Committee on Basic Education chair Bam Aquino at Senate Finance Committee chair Sen. Win Gatchalian ay kapwa nagbigay-diin na maaaring subukan ng DepEd ang pinakamahusay na modality kada taon at palawakin ang mga pinakamabilis at pinaka-cost-effective na approach.
Nilinaw din ni Gatchalian na hindi na kasama sa budget utilization ng DepEd ang school-building projects na hawak ng DPWH, na dati’y nakakaapekto sa tamang pagtingin sa performance ng departamento. Pinuri niya ang DepEd sa pagpapabuti ng mga sistemang matagal nang may delay, lalo na sa procurement para sa textbooks, furniture, at vouchers.
Tumaas sa PhP65.98 bilyon ang pondo para sa pagpapatayo at pagpapalit ng mga silid-aralan, pagtatayo ng tech-voc laboratories, at water sanitation facilities. Suportado nito ang konstruksyon ng 24,527 bagong silid-aralan na may kasamang school furniture, na malayong mas mataas kaysa 4,869 sa NEP. Tinatayang aabot sa 1 milyong mag-aaral sa buong bansa ang makikinabang dito.
Tumaas din sa PhP7.73 bilyon ang pondo para sa pagkukumpuni at rehabilitasyon, na magpapahintulot sa pag-aayos ng 11,886 silid-aralan. Ang alokasyon para sa school furniture buffer o replacement ay umakyat rin sa PhP3.69 bilyon upang makapagbigay ng 25,451 set, malaking pag-angat kumpara sa kasalukuyang bilang. Magkakaroon din ng pondo para sa pag-le-lease ng mga ari-arian at para sa pagtatapos ng mga unfinished classrooms.
Pinalalakas din ng iba pang bahagi ang learning environment at pinalalawak ang inclusive education. Ang PhP1-bilyong Library Hubs program ay magtatayo ng 72 hubs sa buong bansa. Ang Special Needs Education ay magdaragdag ng 16 Inclusive Learning Resource Centers. Nakakuha rin ng PhP2 bilyon ang Medium-Rise School Buildings para tapusin ang tatlong multi-storey facilities para sa masisikip at mabilis lumaking school communities.
“Ang inaprubahan ng Senado ay nagbibigay sa atin ng sapat na puwang para magtayo nang mas mabilis, mag-ayos nang mas matalino, at mag-deliver nang mas maayos,” ani Angara. “Kung sabay-sabay tayong kikilos—pamahalaan, LGUs, komunidad—mas mapapabilis ang pagbabago sa ating mga paaralan.”
Sinabi ng DepEd na umaasa itong madadala ang mga forward-looking investments ng Senado hanggang sa bicameral conference at sa final budget, upang matiyak na makakasabay ang school infrastructure ng bansa sa ambisyon ng education agenda ni PBBM.

