|
MANILA, 29 Nobyembre 2025 — Nagpamalas ng makasaysayang performance ang Pilipinas sa 14th ASEAN School Games (ASG) kung saan matagumpay na umangat sa ikaapat na pwesto ang bansa sa overall standing.
Sa kabuuang 43 medalya — 11 ginto, 10 pilak, at 22 tanso — napatunayan ng Philippine Team ang puwesto nito bilang isa sa pinakamahusay na delegasyon sa rehiyon, matapos ang 6th place finish noong 2024.
Tumanggap ang delegasyon ng heroes’ welcome sa kanilang pagbabalik sa bansa nitong Biyernes ng gabi, kung saan sinalubong sila ng mga pamilya, officials, at mga tagasuporta na nagdiriwang sa makasaysayang tagumpay ng bansa.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara na ang ipinakitang resulta ng PH team sa ASG ay tanda ng tuloy-tuloy na pag-angat sa pagpapaunlad ng sports para sa kabataan, na nakaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang school-based athletics at palawakin ang mga oportunidad para sa learner-athletes sa buong bansa.
“Mission accomplished kayo! Beyond the medals, your grit and discipline reminded us why we must keep strengthening school sports and supporting every young Filipino athlete. Maraming salamat sa tapang, husay, at dangal na inalay ninyo para sa Pilipinas,” ani Angara.
Pinangunahan ng Athletics ang pagbibigay ng karangalan na nagtala ng pinakamaraming medalya para sa bansa. Binasag ni Jhul Ian Cañalita ng Bohol ang record sa Boys’ 3,000 meters sa oras na 8:47.52. Hinigitan naman ni Ma. Lhynette Libranda ng NCR ang anim na taong record sa Girls’ 100-meter hurdles sa semifinals sa 14.20 seconds at muling nagtala ng personal record sa finals sa 13.82 seconds. Dalawang gold medal naman ang sinungkit ni Anthony Cariaso ng NCR sa Boys’ 800-meter at 1,500-meter runs.
Nabawi rin ng Pilipinas ang korona sa basketball, matapos ang parehong undefeated run ng Boys’ at Girls’ teams upang muling mapasakamay ang ASEAN School Games title.
Nag-ambag ang Wushu ng isang silver at dalawang bronze medal, na bumuo sa overall medal tally ng Pilipinas.
Suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), pinamunuan ang delegasyon ni Chef de Mission Dr. Miguel Angelo Mantaring, Director IV ng DepEd–Bureau of Learner Support Services, kasama si Deputy Chef de Mission Cesar Abalon, Chief ng BLSS–School Sports Division.
Lumahok ang delegasyon ng Pilipinas kasama ang siyam na bansa sa ASEAN sa walong sports kabilang ang Athletics, Badminton, Basketball, Swimming, Netball, Pencak Silat, Sepak Takraw, at Wushu.
END

