|
LUNGSOD NG MAKATI, 1 December 2025 — Tuloy tuloy ang mas malawak na universal at targeted school feeding ng administrasyong Marcos matapos aprubahan ng Senado ang 2026 education budget na may malaking dagdag-pondo para sa mga reporma sa nutrisyon ni Education Secretary Sonny Angara. Isa itong mahalagang hakbang sa pagtugon sa hamon sa early literacy at kahandaan sa pag-aaral.
Mula PhP11.78 bilyon noong 2025, mayroon na itong PhP28.66 bilyong pondo para sa 2026 para tumaas ang coverage ng SBFP sa 4.49 milyong mag-aaral habang hahaba ang feeding duration sa 200 araw.
Kasama rin sa pinalawak na coverage ang 45-day feeding para sa 604,134 JHS at 200,663 SHS na wasted at severely wasted learners, at 30-day feeding para sa 7,276 buntis na adolescent learners.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang early childhood care and development, pinalakas ng SBFP expansion ang mga naunang reporma, kabilang ang universal feeding para sa lahat ng Kindergarten at Grade 1 at ang tuloy-tuloy na targeted feeding para sa severely wasted at wasted Grade 2 hanggang 6.
“Kita namin sa mga bata at sa mga kwento ng ating mga guro na mas gising, mas masigla, mas handang makinig ang mga mag-aaral basta may laman ang kanilang tiyan. Iyan ang pinaka-pruweba na gumagana ang programa,” ani Angara.
“May datos at may kwento. Nakita ito ng Pangulo at nagkaisa ang Senado at Kamara,” dagdag niya. “Kapag nakikita mong bumababa ang bilang ng severely wasted, alam mong tama ang direksyon.”
Sa pamumuno ni Angara, sinimulan ng DepEd ang mas malawak na SBFP simula SY 2025–2026 sa pamamagitan ng pagsama sa lahat ng Kindergarten at Grade 1 learners, hindi lang sa mga undernourished, bilang bahagi ng mas matibay na pagtugon sa universal early nutrition.
Nagbigay rin ang programa ng hot meals at fortified food products sa humigit-kumulang 3.4 milyong Kindergarten hanggang Grade 6 learners. Naunang datos ang nagpakitang bumaba ang bilang ng severely wasted na Kindergarten mula 113,451 tungong 47,281 sa loob ng isang taon.
Pinangunahan din ni Angara ang pagpapalakas ng SBFP infrastructure, na ngayon ay may higit 74 central kitchens na operational at mahigit 44,000 paaralan na aktibong nagpapatupad ng Gulayan sa Paaralan, na nagbibigay ng sariwang gulay para sa school meals at tumutulong sa hands-on nutrition education.
Para sa 2026, nakakuha ang DepEd ng pondo para sa pagtatayo ng 219 Central Kitchens at mga Mobile Kitchens habang pagtitibayin pa ang koordinasyon sa LGU para sa programa upang mas mahusay na makapagserbisyo sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Sinabi ni Angara na ang 2026 budget ay nagbibigay-daan para ipagpatuloy ang kombinasyon ng universal at targeted feeding.
“Pinapalakas natin ang pundasyon sa Kinder at Grade 1, pero hindi rin natin iniiwan ang pinaka-nanganganib sa mas matataas na baitang,” aniya. “Kung gusto nating manatili ang mga bata sa eskwela, kailangan nating siguraduhin na may laman ang tiyan at lakas ang katawan.”


