![]() |
LUNGSOD NG PASAY, 2 Disyembre 2025 — Aktibong pinatitibay ng Department of Education (DepEd) ang papel nito sa pagsusulong ng Tatak Pinoy Law (Republic Act No. 11981), isang mahalagang ambag ng basic education sector sa long-term competitiveness and innovation goals ng bansa.
Binigyang-diin ni Secretary Sonny Angara — pangunahing may-akda at sponsor ng Tatak Pinoy Law noong siya ay Senador pa — na nagsisimula sa silid-aralan ang layunin ng Tatak Pinoy na lumikha ng mas may kasanayan, mas malikhain, at mas globally competitive na manggagawang Pilipino. Sa 25 milyong mag-aaral at pinakamalaking teaching workforce sa gobyerno, may sapat na kakayahan ang DepEd para patakbuhin ang human resource pillar ng batas.
Isa rin ang nasabing batas sa mga prayoridad na repormang inendorso ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at isinama sa Legislative Executive Development Advisory Council (Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC)-Common Legislative Agenda ng Ika-19 na Kongreso, patunay sa kahalagahan nito sa hangarin ng administrasyon na iangat ang industriya at manggagawang Pilipino.
“Education is the foundation of Tatak Pinoy. If we want Filipino industries to compete globally, we must prepare learners with strong fundamentals, modern skills, and exposure to high-value sectors,” ani Angara.
Sa pamumuno ni Sec. Angara, pinabilis ng DepEd ang mga repormang nakahanay sa agenda ng Tatak Pinoy. Kabilang dito ang malalaking partnership ng DepEd sa Philippine Board of Investments (BOI) at Department of Trade and Industry (DTI), kasama ang Kids for the Future of Philippine Industrialization (K4F-PH) program na nagpapakilala sa mga mag-aaral sa lumalago at high-growth na industriya tulad ng IT, semiconductors, electronics, at creative economy.
Nakikipag-ugnayan na rin ng Kagawaran ang DTI para sa proseso ng registration sa Domestic Bidders Registry (DoBid) at gagamitin ang newly-launched na geo-mapping initiative ng BOI na nagmamapa ng mga industriya na pinakamalapit sa mga paaralan upang mas maging tugma ang mga polisiya at programa ng edukasyon at sektor ng paggawa.
Nagsisimula na ring makita sa procurement processes ng DepEd ang mga prinsipyo ng Tatak Pinoy. Binibigyang-prayoridad ng DepEd ang arts at trade schools, gayundin ang mga tech-voc institutions na may kapasidad na mag-produce ng school desks, furniture, at iba pang kagamitan sa paaralan. Naglaan din ng pondo ang Kagawaran mula kabuuang budget para sa school furniture para sa mga kooperatiba upang matulungan ang mga kooperatiba mula iba’t ibang bahagi ng bansa.
Para naman sa School-Based Feeding Program, patuloy na kumukuha ang DepEd ng gatas mula sa mga lokal na magsasaka at locally manufactured nutritional food packs na sertipikado ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), upang masiguro na ang pondo para sa edukasyon ay nakakatulong din sa lokal na agrikultura at food industries.
Sa unang Supplier Summit ng DepEd noong Marso 2025, binigyang-diin ng pamahalaan at industriya ang mga oportunidad mula sa Tatak Pinoy Act, isang pangako upang suportahan diverse at de-kalidad na produktong Pilipino. Hinikayat din ng DepEd ang mga supplier na magparehistro sa Domestic Bidders Registry (DoBid) ng DTI, dahil malaking tulong ang maayos na local supply chains sa pagpapabuti ng mga serbisyong pang-edukasyon.
In-update din ng DepEd ang Tech-Voc-Livelihood (TVL) curriculum, pinalawak ang nationwide digital connectivity, at naglunsad ng tech-voc teacher immersions kasama ang Toyota, Joy Nostalg, at iba pang industry partners. Dinagdagan ang work immersion hours para sa mga TVL learner, at inilunsad ang Education Center for AI Research (ECAIR), isang mahalagang puhunan ng Tatak Pinoy sa paghubog ng pambansang kakayahan sa AI.
Gumagawa ang ECAIR ng AI models para solusyunan ang mga isyung pang-edukasyon—learning gaps, dropout risk, resource targeting, at school safety—at nagsisilbing tulay para maging mas handa sa hinaharap ang Tatak Pinoy workforce agenda sa pamamagitan ng data-driven reforms.
Bilang suporta sa pagkamalikhain at inobasyon, ipinatupad ng DepEd ang School Innovation Grants para sa mga paaralang nasa 4th at 5th class municipalities at popondohan ang TUKLAS simula 2026 — isang programa para tulungan ang mga estudyante at teacher-coaches na may talento ngunit kapos sa pinansyal na kakayahan upang makasali sa mga pambansa at internasyonal na kompetisyon.
Pinalalakas din ng DepEd ang iba pang haligi ng Tatak Pinoy Law sa pamamagitan ng pagpapatibay ng imprastraktura ng paaralan, pagpapalawak ng digital access, pagpapaunlad ng STEAM at AI programs, at pagtataguyod ng mas mataas na domestic preference para sa de-kalidad na produktong Pilipino sa pag-procure ng textbooks, furniture, kagamitan, at digital tools.
Sa mga susunod na buwan, bubuo rin ang DepEd ng regional Tatak Pinoy hubs, pagpapalawak ng school-based fabrication labs at innovation spaces, pagpapalalim ng TVL–industry alignment, pag-enhance ng teacher upskilling activities, at pagpapaunlad ng national skills mapping gamit ang data systems ng DepEd.
“These efforts ensure that DepEd becomes a true engine of Tatak Pinoy — developing the next generation of Filipino talent who will drive a more competitive and future-ready economy,” ani Angara.


