|
LUNGSOD NG MAKATI, 2 Disyembre 2025 – Sa pagwakas ng isang dekadang pagkaantala sa paghahatid ng mga kagamitan sa edukasyon, ibinalita ng Department of Education (DepEd) ang malaking pagtaas sa bilang ng mga textbook na naiproseso–na hihigit pa sa kabuuang naipamahagi sa nakaraang sampung taon.
Ayon sa datos ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), mula 2012 hanggang 2023, 27 na titles lamang ng textbook ang matagumpay na na-procure ng DepEd, kung saan Grades 5 at 6 lamang ang nakatanggap ng kumpletong libro noon. Ngunit, matapos ipatupad ang mga reporma ni Angara, nakapagprocure na ang DepEd ng 105 na titles sa loob lamang ng isang taon, o may katumbas na 289% na pagtaas.
Inaasahang mas lalo pang bibilis ang pag-unlad na ito sa ilalim ng administrasyong Marcos, sa suporta ng Senado at ng House of Representatives, na nakapagsecure ng PhP29.16 bilyong pondo para sa 103.9 milyong learning resources para sa budget ng 2026–ang pinakamalaking dagdag sa mga nakalipas na taon. Ang pondong ito ay magdadagdag ng 97 milyong materials ngayong taon upang punan ang kakulangan, suportahan ang mga guro, at iayon ang mga lesson sa bagong kurikulum.
“Hindi pwedeng kulang-kulang ang hawak ng mga guro at bata. Kung gusto nating umangat ang kalidad ng pag-aaral, dapat kompleto, tama, at napapanahon ang materyales na dumarating sa mga paaralan,” sabi ni Education Secretary Sonny Angara.
Para mapanatili ang mga nakamit na ito, ginagamit ng DepEd ang Republic Act 12009, o ang “New Government Procurement Act”, na siyang pangunahing inakda ni Secretary Angara noong siya ay nasa Senado. Nilulutas ng batas na ito ang matagal nang mga hadlang sa procurement, at nagbibigay ng legal framework upang maiwasan ang pagkaantala at matiyak ang tuloy-tuloy at napapanahong pagdeliver ng learning resources.
Kasabay ng batas na ito, ipinapatupad ang DepEd Order No. 8, s. 2025, na nagmamandato ng pre-selection at pagsusuri ng mga titles bago ang bidding phase. Malaking pagbabago ito mula sa dating proseso kung saan ang quality assurance ay ginagawa lamang sa post-qualification, isang dahilan ng maraming pagkabigo sa procurement noon.
Sa paghihiwalay ng content evaluation at procurement, tinitiyak ng DepEd na mga aprubadong titles lamang ang maisasama sa bidding. Dahil dito, mas mabilis at mas maaasahan ang paghahatid ng mga aklat sa 2026.
“Mula kay Pangulong Marcos at sa ating mga mambabatas, malinaw ang suporta na hindi dapat tipirin ang aklat at kagamitan kung ang nakataya ay ang kinabukasan ng kabataan,” dagdag pa ni Angara.
Magsasagawa rin ang DepEd ng Quality Assurance sa 176 textbook and teacher’s manual titles, 360 na posibleng learning resource exemplars, 2,000 self-learning resource titles, at karagdagang 1,000 na titles sa FY 2026 upang makumpleto ang rollout ng kurikulum sa lahat ng grade levels. Bukod dito, sa kauna-unahang pagkakataon, nakapag-procure ang Kagawaran ng educational toys para sa mga mag-aaral ng Kindergarten, bilang bahagi ng play-based at developmentally appropriate education.
“Ayaw na nating maulit ang sitwasyon kung saan huli dumarating ang libro o kulang ang kagamitan. Nauuna ang paghahanda para mauna rin ang pagkatuto,” ani Angara.


