LUNGSOD NG PASAY, 3 Disyembre 2025 — Nagpasalamat si Education Secretary Sonny Angara sa major private school associations ng bansa matapos nilang ipahayag ang suporta sa reporma ng Department of Education (DepEd) at sa budget ng education sector para sa 2026.

Sa kanyang pagdalo sa Philippine Education Conference (PhilEd) 2025, kinilala ni Angara ang pahayag ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA), Private Education Assistance Committee (PEAC), Association of Christian Schools, Colleges, and Universities (ACSCU), Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), Philippine Association of Colleges and Universities (PACU), Philippine Association of Private Schools, Colleges, and Universities (PAPSCU), Unified TVET of the Philippines (UniTVET), Federation of Associations of Private School Administrators (FAPSA), at National Alliance of Private Schools Philippines (NAPSPHIL).

Sa kanilang joint message, pinuri ng grupo ang liderato ng DepEd sa pagsusulong ng mga mahahalagang reporma sa sektor at kinilala ang pag-apruba ng Senado sa P1.044-trilyong budget ng Kagawaran para sa 2026 bilang “landmark investment in the future of Filipino learners.”

Ayon kay Angara na ang pagtutulak ng administrasyon para palakasin ang parehong pampubliko at pribadong paaralan ay nakabatay sa realidad na hindi uusad ang sistema kung walang matatag at masiglang private education sector.

“Kung gusto nating mas mapabilis ang pag-asenso ng ating mga bata, kailangan natin ang lakas ng private schools, mula sa teacher training hanggang sa pagpapatakbo ng ating voucher programs. Katuwang namin kayo sa paghatid ng kalidad na edukasyon saanmang panig ng bansa,” ani Angara.

Idinagdag ng Kalihim na tugma ang mga hinihinging reporma ng private schools sa sariling adyenda ng DepEd para patatagin ang education ecosystem, tiyakin ang maayos na subsidiya, mapalakas ang teaching capacity, at mapanatiling bukas ang learning pathways sa parehong sektor.

Binigyang-diin din ni Angara na mas pinalawak ng 2026 budget ang mga subsidiya para sa mga mag-aaral sa private schools sa pamamagitan ng Education Service Contracting (ESC) at Senior High School Voucher Program (SHSVP), na sasaklaw sa mahigit 2.5 milyong mag-aaral sa susunod na taon. Itinaas din ang Teachers’ Salary Subsidy (TSS) sa PhP24,000 at pinalawak ang in-service training kasama ang PEAC upang matulungan ang mga guro at school operators.

Dagdag ni Angara ang DepEd’s public-private complementarity framework na na-formalized sa DepEd Order No. 6, s. 2024, ay nagbibigay ng mas malinaw na papel sa bawat sektor—kabilang ang pagtulong sa pagbawas ng classroom congestion, pag-align ng curriculum pathways, at paggamit ng pasilidad nang magkatuwang kung kinakailangan.

Kasama rin dito ang mga isinusulong na lease agreements sa mga idle at closed private school campuses upang magamit bilang pansamantalang silid-aralan sa mga lugar na may mataas na pangangailangan, na makatutulong ito para mas mabilis na matugunan ang classroom backlog kumpara sa karaniwang oras na kailangan para magpatayo ng bagong paaralan.

Ang PhilEd Conference, na inorganisa ng PEAC, ay isa sa pinakamalaking biennial events sa sektor ng edukasyon at nagsisilbing mahalagang venue para pag-isahin ang direksyon ng reporma, practice, at polisiya sa iba’t ibang sector.

Sinabi rin ni Angara na lalo pang pinatatatag ng suporta ng private sector ang determinasyon ng DepEd na itulak ang matagal nang kinakailangang structural reforms, kabilang ang modernized voucher law at panukalang nag-i-institutionalize ng complementarity.

“Ang pinakamahalaga sa lahat: hindi namin kayang itaguyod ang reporma nang mag-isa,” ani Angara. “Kapag matatag ang pribadong sektor, mas malakas ang buong sistema ng edukasyon.”