![]() |
MANDALUYONG, 4 Disyembre 2025 – Nagpasalamat ang Department of Educaction (DepEd) nitong Miyerkules sa paglulunsad ng BDO HOPE Mastercard bilang praktikal at makabuluhang paraan kung saan makatutulong ang publiko sa pagpapatayo ng mga classroom sa bansa.
Sama-samang binuo ng BDO Unibank Inc., Friends of Hope Inc. (HOPE), at DepEd ang proyekto para magbigay daan sa tuloy-tuloy na pagpopondong manggagaling mismo sa paggamit ng bagong credit card. Sa bawat pagswipe nito ay direktang makatutulong sa paggawa ng mga kinakailangang classroom sa mga pampublikong paaralan.
Sa bawat Php1,000 na qualified na spending, mag-aambag ng PhP5 ang BDO sa HOPE. Ang DepEd naman ang bahala sa pagpili ng mga paaralan at titiyakin na naka-angkla sa pamantayan ng gobyerno ang lahat ng proyekto.
Bahagi rin annual membership fee–PhP200 para sa principal at PhP100 naman sa supplementary card–ay mapupunta sa pondo para sa mga classroom.
Sa ilalim ng makasaysayang budget para sa sektor ng edukasyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa 2026, binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang kahalagahan ng pagtutulungang ito upang matugunan ang matagal nang kakulangan sa imprastruktura ng mga paaralan.
“Magsisilbi itong isa sa mga konkretong landas upang mabawasan ang classroom gap sa bansa–isang hamong maaaring abutin pa ng dekada kung hindi natin pagtutulungan,” pahayag ni Angara.
Ang BDO HOPE Mastercard ay mayroong “zero-cost-to-government” na mekanismo na nagbibigay-daan sa mga ordinaryong mamimili na makatulong sa pagpapatayo ng ligtas at sapat na pasilidad para sa ating mga mag-aaral.
“Bawat swipe ay nagbibigay ng bagong pag-asa sa bawat mag-aaral,” ani Angara.
Bilang bahagi ng partnership, ang BDO ang tutugon sa lahat ng gastusin sa pag-develop, paggawa, at marketing ng bagong card, kabilang ang pagproseso at pagpapadala ng mga donasyon.
“Every child deserves a safe and inspiring space to grow and achieve their aspirations,” ani Ma. Nannette R. Regala, Senior Vice President and Consumer Banking Group Marketing Head ng BDO.
Ang pondo ay gagamitin ng HOPE para sa DepEd-validated classroom projects, batay sa kanilang karanasan sa pagtatayo ng mahigit isang daang silid-aralan sa mga lugar na kulang sa pasilidad at apektado ng kalamidad sa buong bansa.
Ipinapakita ng programa kung paano makakatulong ang suporta mula sa pribadong sektor upang mas mapabilis ang learning recovery efforts sa pamamagitan ng mas mabilis at mas maayos na pagpapalawak ng mga ligtas at functional na silid-aralan.
Sa patuloy na pagdami ng enrollment bawat taon at pagkasira ng libu-libong paaralan dahil sa bagyo at lindol, mahalaga ang mga partnership sa DepEd upang matiyak ang pagpapatayo ng silid-aralan sa kanilang komunidad.


