![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 4 Disyembre 2025 – Para masigurong mas patas ang oportunidad sa edukasyon, inilunsad ng Department of Education ang Bayang Bumabasa Initiative, kung saan naglaan ng P131 milyon bilang Needs-Based Program Support Funds para sa 131 paaralang nangangailangan ng dagdag tulong sa pagpapabilis ng literacy gains.
Inanunsyo ang programa sa 2025 National Literacy Conference, kung saan bawat napiling paaralan ay makatatanggap ng hanggang P1 milyon para magpatupad ng mga reading program na swak sa lokal na konteksto ng kanilang komunidad.
Napili ang 131 schools — kasama ang 25 na nasa geographically isolated and disadvantaged areas — batay sa School Year 2024-2025 Comprehensive Rapid Literacy Assessment (CRLA). Sa paggamit ng datos na ito, tinitiyak ng DepEd na hindi basta-basta ang paglalaan ng pondo at nakakarating talaga ito sa mga lugar na pinaka-kailangang palakasin ang foundational support, lalo na sa mga malalayong lugar.
Malawak ang sakop ng mga benepisyaryo. Sa hilaga, aabot ang pondo sa upland communities na sakop ng Capissayan Norte Elementary School sa Gattaran, Cagayan. Sa Visayas, mararating nito ang interior highlands kung saan naroon ang Hiduroma Elementary School sa San Jose de Buan, Samar. Sa timog, tutulong ito sa mga coastal areas tulad ng Maguid Elementary School sa Palimbang, Sultan Kudarat.
“The Bayang Bumabasa Initiative is about equity. We are directing resources specifically to the schools that require the most support — from municipal centers to the most far-flung communities to ensure that no school is left behind,” ayon kay Education Secretary Sonny Angara. “We trust our school leaders to know what their students need. Whether it is more books, better reading nooks, or specific teaching tools, this grant empowers them to build the right environment for their learners with the support of their community.”
Imbis na top-down ang approach, gagamitin ng mga paarlan ang pondo base sa sarili nilang Literacy Improvement Plans. Bibigyan sila ng DepEd ng laya na pumili ng estratehiyang babagay sa pangangailangan ng kanilang komunidad, kabilang na ang integrasyon ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
Nakatuon ang pondo sa Grade 1–3 learners at dapat naka-angkla sa School Improvement Plan at Annual Implementation Plan ng paaralan para sa SY 2025-2026. Maaaring gamitin ang pondo para sa:
• Paggawa, pag-print, at bind ng localized reading materials tulad ng storybooks tungkol sa lokal na alamat at mother-tongue resources;
• Pag-ayos ng learning spaces gaya ng pag-transform ng luma at sira-sirang classroom bilang reading nook na may carpet, beanbags, at child-friendly shelves (capped sa Php50,000);
• Pagbili ng remedial tools tulad ng magnetic letters, flashcards, at reading kits (below P15,000) para sa after-school literacy sessions.
Kasama rin sa inisyatiba ang “whole-of-nation” approach, kung saan katuwang ang Local Government Units, Teacher Education Institutions, at civil society groups.
Para ma-avail ang pondo, kailangang makipag-ugnayan ang schools sa kanilang Local Literacy Council (LLC) o Local School Board (LSB). Tutulong ang mga partner tulad ng Synergia Foundation para mas mapalakas ang coordination sa LLCs o LSBs, lalo’t hinihikayat ang mga mayor na magbigay ng counterpart support mula sa Special Education Fund.
Samantala, ang mga TEIs — kabilang ang UP, De La Salle University, at Mindanao State University–Iligan Institute of Technology — ay magpapadala ng pre-service teachers para tumulong sa literacy instruction sa mismong classrooms.
Pinagsasama ng Bayang Bumabasa Initiative ang pondo mula DepEd, political will ng LGUs, at technical expertise ng TEIs para masigurong bawat batang Pilipino ay makakahabol at matutong bumasa.


