LUNGSOD NG PASIG, 4 December 2025 — Hinimok ni Education Secretary Sonny Angara ang mga local government unit (LGU) na magkaroon ng mas malaking papel sa learning recovery na itinutulak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasabay ng pagpapalabas ng bagong guidelines na nagpapalawak sa episyenteng paggamit ng Special Education Fund (SEF) para sa early-grade literacy, feeding programs, at academic recovery.

Sa harap ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) sa kanilang National Executive Board meeting, sinabi ni Angara na napakahalaga ng papel ng LGUs sa pagtugon sa learning gaps, lalo na sa paggamit ng SEF at ng mas malawak na programang pinapayagan sa ilalim ng updated national guidelines.

Kanyang binanggit ang pagpirma sa Joint Circular (JC) sa Omnibus Guidelines for the Use of the SEF, na pinagtibay ng DepEd, Department of Budget and Management (DBM), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Finance (DOF).

Ina-update ng Joint Circular ang mga naunang issuances sa SEF, kabilang ang JC No. 1 ng 2017 at JC Nos. 1 at 2 ng 2020. Sa pinalawak na listahan ng allowed expenses, mas direktang masu-suportahan ng LGUs ang Early Childhood Care and Development Program (ECCD) Act, National Feeding Program, at Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act.

“Dito tayo nakatuon kasi ito ang susi sa ating recovery: mga batang handang mag-Kinder; mas malusog na mga bata for 200 days sa school year; mga mag-aaral na natututukan ng academic tutors; at classrooms na handa sa 21st century learning,” ayon kay Angara.

Nakasaad sa bagong rules na puwede nang gamitin ng LGUs ang SEF para sa digital tools sa classrooms, Alternative Learning System programs, inclusive education, at parent-engagement activities. Pinalawak din ang Local School Board (LSB) membership upang isama ang ALS implementers, mga magulang ng learners with disabilities, at kinatawan mula sa local tech-voc at higher education institutions.

Ayon kay Angara, nakatutok ang mga reporma sa pagbuo ng mas inklusibo at mas suportadong paaralan, lalo na sa mga komunidad na may hamon sa pagbasa at foundational skills.

Binigyang-diin din niya ang mas malaking papel ng LGUs sa pagpapatayo ng classrooms simula 2026. Sa ilalim ng proposed special provision sa General Appropriations Act, puwede nang makilahok ang LGUs sa pagtatayo ng education facilities gamit ang national appropriations, cost-sharing, o lokal na resources. Target ng DepEd ang episyenteng paggamit ng P85.4 bilyon para sa 25,500 bagong classrooms at iba pang school facilities upang mabawasan ang classroom backlog sa buong bansa.

Kabilang sa inaasahang tutulong ang LGUs ang pag-validate ng classroom shortages, pag-monitor sa construction mula sa national downloads, pagtukoy ng maaaring gamiting temporary learning spaces, at pagpapabilis sa land titling at pagkuha ng building permits.

“Malaki na rin ang magiging papel ng ating local government sa pagpapatayo ng classrooms dahil sa ilalim ng proposed special provision sa 2026 GAA, makakapag-participate na kayo sa pagbuo ng education facilities. Malinaw po—prayoridad natin na ma-close ang 165,000 na gap sa classrooms,” ani Angara.

Kasabay ng Joint Circular, maglalabas din ng resolusyon ang ULAP National Executive Board upang kilalanin ang pangmatagalang partnership nito sa DepEd.

Nakasentro ang resolusyon sa limang pangunahing larangan: pag-develop ng classrooms at facilities, community-based literacy at ALS support, school health at nutrition systems, digital learning at data-sharing, at pagpapalakas ng episyenteng paggamit ng SEF sa pamamagitan ng joint policy work.