LAS PIÑAS, 5 December 2025 — Binibigyang-diin ng Department of Education (DepEd) ang mas pinaigting na pagtutok ng administrasyong Marcos sa learning recovery matapos inspeksyunin ni Education Secretary Sonny Angara ang pagpapatupad ng School-Based Feeding Program (SBFP) at Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) sa dalawang pampublikong paaralan sa lungsod.

Bumisita si Angara sa Moonwalk Elementary School at Talon Elementary School, na kapwa kinilala dahil sa pag-angat ng kanilang literacy outcomes at maayos na delivery ng feeding services. Bahagi ito ng nationwide monitoring ng DepEd alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang reading recovery at palakasin ang suporta sa mga batang nahuhuli sa pagkatuto.

Sa kanyang pagbisita, tumulong si Angara sa pamamahagi ng hot meals, nag-obserba sa ARAL sessions, at nakipag-usap sa mga guro upang makuha ang mga pananaw at solusyong epektibong maipapatupad sa iba pang dibisyon.

“Kailangan nating marinig ang mga kwento mula sa bawat paaralan. Kapag malinaw ang datos mula sa baba, mas tama ang suporta mula sa taas. Dito natin nakikita kung ano ang tunay na nakakabuti para sa mga bata,” sabi ni Angara.

Ang Moonwalk ES, na kinilalang 2nd Best SBFP Implementer sa dibisyon, ay may 789 feeding beneficiaries ngayong school year at naglunsad ng ARAL tutorials noong Setyembre. Kilala ang paaralan sa pag-integrate ng reading activities sa feeding sessions upang mapalakas ang gana at pagbabasa ng mga batang nangangailangan.

Ayon sa mga guro, ang 1:11 tutor-learner ratio at ang pag-partner ng feeding at tutorials ay nagpaangat sa attendance at reading stamina ng mga pinaka-vulnerable na mag-aaral.

Samantala, ang Talon ES, na nanguna sa Las Piñas Schools Division Office sa National Achievement Test, ay nagpakita ng malalaking gains sa ARAL. Mula 575 learners sa simula ng taon, bumaba ang bilang ng ARAL cohort sa 233 matapos ang midyear assessment — katumbas ng 342 learners, o halos 71 percent, na naka-exit matapos maabot ang grade-level reading expectations.

Iniuugnay ng paaralan ang tagumpay nito sa malinaw na schedule ng morning at midday ARAL sessions, tuloy-tuloy na progress monitoring, at dedikadong learning spaces para sa focused reading work.

Sinabi ni Angara na patuloy na susuportahan at palalawakin ang mga ganitong inisyatiba sa inilatag na 2026 budget.

Itinaas ng Senate-approved General Appropriations Bill ang School MOOE sa PhP60.89 bilyon mula PhP49.76 bilyon upang palakasin ang araw-araw na operasyon ng mga paaralan at magbigay ng lokal na tugon sa learning gaps.

Samantala, nasa PhP28.66 bilyon ang SBFP, sapat upang gawing universal ang feeding para sa Kindergarten at Grade 1 sa susunod na taon. Papahabain din ang feeding duration sa 200 days, habang ang targeted feeding ay sasaklaw sa Junior High School at Senior High School learners na severely wasted o wasted, pati adolescent pregnant learners.

Pinalalakas ng 2026 budget ang nutrisyon ng mga bata at lokal na agrikultura. Direktang kukunin mula sa mga lokal na magsasaka ang gatas, habang ang pagkain ay manggagaling sa DOST-FNRI–certified suppliers upang masigurong may tuloy-tuloy na demand para sa mga produkto ng kooperatiba at lokal na industriya. Muling nanawagan din si Angara na amyendahan ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act (RA 11037) upang mapalawak ang saklaw, palawigin ang feeding days, magtatag ng Central Kitchens, at gawing mas siguradong ang supply chain.

Kaakibat nito ang direksyong itinatakda ng Tatak Pinoy Law (RA 11981), na layong pataasin ang halaga at antas ng produktong Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalakas ng lokal na industriya at kooperatiba. Idinugtong ni Angara na nakaugat din ito sa Agriculture and Fisheries Modernization Act (RA 8435) na isinulong ng kanyang ama, ang yumaong Senador Ed Angara, na naglatag ng modernong sistema sa agrikultura na ngayon ay pinakikinabangan ng mga programang tulad ng SBFP.

Papalawakin din ang ARAL sa pamamagitan ng dagdag na budget para sa learning resources, training at kompensasyon ng tutors, at mas matibay na monitoring.

Binanggit din ni Angara ang mahalagang papel ng LGU sa pagpapatatag ng mga proyekto, lalo na sa bagong Joint Circular sa Special Education Fund (SEF) na nagbibigay-daan para pondohan ng mga LGU ang early-grade literacy, feeding, at academic recovery programs.

“Mas lumalawak ang puwedeng pondohan ng LGU para sa edukasyon. Hindi na kailangang maghintay ng tugon mula sa national, dahil sa lokal pa lang, puwede nang maibigay ang mabilis at angkop na serbisyo,” aniya.

Habang papasok ang 2026, tiniyak ni Angara na patuloy na rerepasuhin ng DepEd ang program implementation, titiyakin ang tamang datos mula sa mga paaralan, at mas maraming paaralan ang makatatanggap ng suporta para sa attendance, nutrisyon, at foundational skills ng mga bata.