MANILA, 6 Disyembre 2025 — Nakiisa si Education Secretary Sonny Angara sa Balik Sigla, Bigay Saya Pamaskong Handog ng Presidente Year 4, ang taunang gift-giving initiative ng Office of the President sa Malacañang, habang pinangunahan ng Department of Education (DepEd) ang sabayang selebrasyon sa pampublikong paaralan sa Luzon, Visayas at Mindanao ngayong Sabado.

Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos ang main program sa Kalayaan Grounds sa Malacañang, tampok ang mga laro, pagtatanghal, at pamimigay ng gift packs para sa mga batang benepisyaryo.

“Kami ay nagpapasalamat, na kahit mabigat ang hinaharap natin na mga hamon, kahit papaano, mayroon tayong kaunting panahon, lalo na kapag Pasko, na kailangan naman natin maalala na ang mga swerte natin sa buhay, at mga biyaya natin sa isang taon. Ang pinakamalaking biyaya, the biggest treasure that we have here in the Philippines is our children, the future of our country,” ani Pangulong Marcos.

Ayon kay Secretary Angara, ang mga regional at division offices ang nangasiwa ng aktibidad sa bawat paaralan, kabilang ang distribusyon ng mga regalo at pakikilahok ng komunidad. Humigit-kumulang 140 mag-aaral kada paaralan ang lumahok sa mga performances, games, at Christmas gatherings na inihanda.

“Bawat batang Pilipino ay may karapatang maramdaman ang diwa ng Pasko at ang pag-asa na dala nito,” ani Angara. “Kaya habang nagpapatuloy ang aming mga programa gaya ng feeding, tutorials, at ang pagbibigay ng connectivity sa pinakamalayong paaralan, mahalaga ring ipadama na may gobyernong nagmamalasakit at handang umalalay. Ang simpleng handog ngayong araw ay paalala na hindi sila nag-iisa sa kanilang paglalakbay sa pagkatuto.”

Ipinagpapatuloy ng programa ang tradisyon ng Palasyo na buksan ang pintuan nito para sa mga batang kapos-palad tuwing Kapaskuhan—isang taunang gawain na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng saya, pagkalinga, at komunidad, lalo na habang patuloy na nagpupunyagi ang mga paaralan na maibalik ang sigla ng mga mag-aaral sa pagkatuto.

Ang Pamaskong Handog ngayong taon, na pinagsamang inisyatiba ng Office of the President, DepEd, Department of Information and Communications Technology (DICT), at Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay kinabibilangan din ng pamamahagi ng Starlink satellite devices sa piling paaralan bilang bahagi ng mas malawak na hakbang sa digital empowerment.

Nabati rin ng Pangulo ang lahat ng kalahok na paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa.ang programa mula sa Malacañang sa pamamagitan ng livestream feed. Pinasalamatan ni Sec. Angara ang lahat ng opisyal at kawani ng mga paaralan na tumulong sa programa.

“In the end, ang tunay na diwa ng Pasko ay pagkalinga,” dagdag pa ni Angara. “At kung kaya nating dalhin ang saya at pag-asa sa bawat paaralan, mas malapit tayo sa layunin na ang bawat batang Pilipino ay makapag-aral, makatapos, at magkaroon ng mas magandang bukas.”