![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 6 December 2025 — Kinilala ng Department of Education (DepEd) ang malawak na suporta mula sa iba’t ibang sektor sa edukasyon at pribadong sektor, kung saan hindi bababa sa 18 organisasyon ang nagpahayag ng tiwala sa pangmatagalang reporma ng ahensya sa ilalim ng pamumuno ni Education Secretary Sonny Angara.
Sa mga pahayag na inilabas ngayong linggo, malinaw ang matibay na suporta ng mga opisyal, partners, at iba pang stakeholders sa liderato at reporma ni Angara. Binibigyang-diin nila na ang malinaw at tuloy tuloy na direksyon sa DepEd ay mahalaga upang mapanatili ang mga nagiging progreso at makapaglatag ng pangmatagalang solusyon sa krisis sa edukasyon.
Kaakibat din ng mga pahayag na ito ang pag-usad ng mas malawak na agenda para itaguyod ang Bagong Pilipinas vision ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kabilang sa mga organisasyong naglabas ng pahayag ang Association of DepEd Directors (ADD); Philippine Association of Schools Superintendents (PASS); National Association of Public Schools District Supervisors (NAPSDS); National Association of Public Schools District Supervisors, Elementary, and Secondary School Principals and Teachers of the Philippines (NAPESS-PHIL); Philippine Elementary School Principals Association, Inc. (PESPA); National Association of Public Secondary School Heads Inc. (NAPSSHI); at ang DepEd National Employees Union (NEU).
“Bilang mga senior officials ng DepEd, muli naming pinagtitibay ang buong kumpiyansa sa kanyang pamumuno. Nagkakaisa kami sa pagsuporta sa kanyang reporma at committed na makipagtulungan para makapaghatid ng mas responsive, accountable, at learner-centered na basic education system,” ayon sa pahayag ng Association of DepEd Directors.
Sa iba’t ibang rehiyon, binigyang-diin din ng mga school heads at district supervisors na ang malinaw na patakaran mula sa central office ay nakatutulong para maging mas maayos ang pagpapatupad ng mga programa at mas matutukan ang pagpapabuti ng learning outcomes.
Samantala, naglabas din ng joint stsatement ang Philippine Business for Education (PBEd), Makati Business Club (MBC), Management Association of the Philippines (MAP), Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA), at Association of Foundations (AF).
“We reiterate our confidence in Sec. Sonny Angara and the current team of DepEd, whose commitment to transparency, data-driven policymaking, and collaboration provides stability needed to advance key reforms,” sabi sa joint statement.
Nagpahayag din ng suporta ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) at Davao del Sur State College (DSSC).
Ipinapakita ng mga pahayag ng suporta na mahalaga ang tuloy tuloy na liderato upang mapabilis ang learning recovery at masigurong ang makasaysayang pondo sa 2026 budget ay mauuwi sa kongkretong benepisyo para sa mga mag aaral at guro.
Nagbigay din ng mga mensahe ng suporta ang ilang senador at opisyal ng pamahalaan, jung saan kinilala nila ang mahabang track record ni Angara sa reporma sa edukasyon, integridad, at dedikasyon sa kalidad ng pagkatuto.
“We trust that under the able leadership of our distinguished former colleague, Secretary Sonny Angara, this sizable budget will accelerate the construction of classrooms, improve the compensation for teachers and tutors, and ensure that every learner has access to textbooks and other school materials that they need,” pahayag ni Senator Migz Zubiri.
Malugod namang tinanggap ni Angara ang malawak na suporta at muling iginiit ang determinasyon ng DepEd na magpatuloy sa inclusive, transparent, at sustained education reform.
“Maraming salamat sa tiwala at suporta. Sa pangunguna ni Pangulong Marcos, mas malakas ang pagtutulungan para sa edukasyon. Patuloy tayong tututok sa mga reporma at hindi magpapadistract dahil marami pa tayong dapat ayusin,” sabi ni Angara.
Ayon sa DepEd, lalo pang pinatitibay ng mga mensahe ng suporta ang kasalukuyang pagsisikap ng ahensya na pabilisin ang pagpapatupad ng malawakang reporma sa 2026, partikular sa pagtugon sa classroom backlog, malakihang hiring ng teaching at non teaching personnel, at pagpapalakas ng early grade learning.


