![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 9 Disyembre 2025 — Bilang bunga ng mas pinagtibay na policymaking at system reforms sa ilalim ni Education Secretary Sonny Angara, inaasahang mas mapapalawak ng panukalang PhP41.18-bilyong budget ang mga benepisyaryo ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) programs sa 2026.
Kasama ang budget na ito, na mataas ng PhP670 milyon kumpara sa inilaan noong 2025, sa aprubado ng Senado at papasailalim pa sa pagsusuri ng bicameral committee.
Ipinapakita ng pagtaas ng budget ang patuloy na pagsisikap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin at palawakin ang tulong para sa humigit-kumulang 2.6 milyong mag-aaral sa mga private school, lalo na sa mga komunidad kung saan may kakulangan o limitasyon sa pampublikong paaralan.
Binanggit ng DepEd na ang pagpapalawak ng GASTPE ay isang strategic congestion-management measure. Para sa bawat 35–40 na mag-aaral na naka-enroll sa private schools sa pamamagitan ng voucher system, epektibong nababawasan ang congestion sa isang classroom sa public school system. Titiyakin ng mas mataas na pondo sa 2026 ang tuloy-tuloy na pagpapalawak at maagap na paghahatid ng subsidies upang matugunan ang lumalaking pangangailangan.
“Ang lahat ng ito ay para siguraduhin ang pagbibigay ng dekalidad na edukasyon, lalo na sa mga lugar na kulang ang pampublikong paaralan,” ani Angara. “Kaya’t tungkulin ng DepEd na tiyakin na ang mas mataas na pondo para sa vouchers at subsidy ay ginagamit nang tama. Sa pakikipagtulungan sa private sector, sisiguraduhin nating tuloy at tiyak ang pag-aaral ng mahigit dalawang milyong kabataan.”
Ayon sa DepEd, ang panukalang alokasyon ay magbibigay-daan sa departamento na mapaglingkuran ang 989,471 junior high school grantees sa ilalim ng Educational Service Contracting program at 1,475,264 senior high school grantees sa voucher program (SHS VP) sa susunod na taon. Kasama rin dito ang pagpapatuloy ng PhP24,000 taunang Teachers’ Salary Subsidy (TSS) para sa mga kwalipikadong guro sa mga kalahok na paaralan. Magkakaloob din ng tulong para sa 117,150 senior high school learners na may Technical-Vocational Livelihood specializations.
Dagdag pa ni Angara, ang mas mataas na alokasyon ay kasabay ng pagpapatupad ng ilang reporma para palakasin ang Public and Private Basic Education Complementarity Framework, na nagtitiyak na ang parehong sektor ay makapagbibigay ng accessible at equitable na edukasyon, ayon sa mandato ng Konstitusyon.
Sa ilalim ng pamumuno ni Angara, nakatuon ang DepEd sa pagpapalakas ng pamamahala ng GASTPE programs bilang tugon sa matagal nang mga isyu na mula sa mga nakaraang review.
Pinaigting ng Kagawaran ang implementation oversight, nilinaw ang mga patakaran ng programa, at pinabuti ang koordinasyon sa mga private school associations upang tugunan ang mga pagkaantala sa proseso at dokumentasyon. Kasalukuyang ginagawa rin ng DepEd ang guidelines para sa pagkilala sa mga senior high schools upang masiguro na ang mga private school partners ay nakakatugon sa quality standards.
Nagpatupad din ang DepEd ng five-step validation process upang masiguro na ang subsidies ay napupunta lamang sa mga kwalipikadong mag-aaral. Kasama rito ang cross-check ng Voucher Management System sa Learner Information System, pag-verify ng mga discrepancy, post-audit monitoring visits sa mga kalahok na private schools at field offices, at re-validation ng eligibility at enrollment status ng mga mag-aaral sa ikalawang semestre.
Bahagi ito ng mas malawak na pagsisikap ni Angara na palakasin ang transparency at accountability sa implementasyon ng GASTPE, kabilang ang mas mahigpit na validation ng learner data, mas malapit na monitoring sa mga kalahok na paaralan, at mga proteksyon laban sa pagpasok ng “ghost beneficiaries.”
Sa mas mahigpit na proseso, pitong kaso na laban sa ilang lumabag na pribadong paaralan, ang iniimbestigahan ngayon ng DepEd Central Office. Naghain na rin ng kasong kriminal
laban sa mga sangkot sa maanomalyang pag-claim ng subsidy para sa mga “ghost” voucher beneficiaries sa SHS voucher system, na umabot sa halagang PhP37.58 million.
“We want to ensure that subsidies are delivered on time and that program rules are applied consistently and fairly across regions. Bawat pisong inilalabas ng gobyerno para sa edukasyon, dapat makarating sa totoong mag-aaral,” ani Angara.
Binanggit din ng Kagawaran ang mga kamakailang pagsusuri ng voucher at joint delivery programs, na nagpapatunay sa kanilang halaga sa pagpapalawak ng access at pagsuporta sa mga pamilyang nasa low-income communities. Pinapakita rin ng pag-aaral na nakakatulong ito na mabawasan ang siksikan sa early-grade classrooms kung palawigin pa ito mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Ipinapakita din ng research na nakakatulong ang mga programang ito upang manatiling bukas at maayos ang operasyon ng mga paaralan sa mga komunidad kung saan ito lamang ang maaasahang learning option. Ayon pa rito, mataas ang satisfaction ng mga benepisyaryo sa tulong na kanilang natatanggap. Pinatitibay nito ang pangangailangan na panatilihin ang predictable funding at patuloy na i-upgrade ang mga implementation systems bilang bahagi ng mga reporma.
Ayon kay Angara, ipinapakita ng panukalang pondo, kasama ang suporta ng administrasyon, ang pagkilala kung paano nakatutulong ang mga repormang ito sa mas malawak na education agenda ng Pangulo, na prayoridad ang access, efficiency, at mas malakas na kolaborasyon sa pagitan ng mga sektor. Nagpasalamat siya sa Senado at House of Representatives sa pagpapatuloy ng suporta sa buong basic education system habang papalapit ang budget sa final version nito.
Dagdag pa niya, patuloy na paiigtingin ng DepEd ang implementasyon ng GASTPE upang magkaroon pa ng mas malawak na saklaw at maaasahang learning pathways para sa mga mag-aaral sa bansa.


