LUNGSOD NG MAKATI, 10 December 2025 — Hinimok ni Education Secretary Sonny Angara ang mga miyembro ng American Chamber of Commerce of the Philippines (AmCham) na palawakin ang pakikipagtulungan sa Department of Education (DepEd) para mas maging matibay ang ugnayan ng pag-aaral at ng mga kasanayang kailangan para sa trabaho at pagnenegosyo.

Sa General Membership Meeting ng AmCham nitong Miyerkules, sinabi ni Angara na pinabibilis ng DepEd ang mga repormang nakaayon sa direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na bumuo ng mas handa at mas competitive na workforce sa pamamagitan ng mas matibay na industry partnerships at mas angkop na education pathways.

“We want every graduate to have a fighting chance when they finally test the waters of the real world,” sabi ni Angara habang hinihikayat ang mga kumpanya na tumulong sa pag-update ng kurikulum, palawakin ang work immersion opportunities, at maki-co-create ng programs na tumutugon sa pangangailangan ng industriya. “If we want a stronger education system, DepEd must work hand in hand with the private sector.”

Sinabi ni Angara na habang nagpapatuloy ang mga reporma tulad ng Strengthened Senior High School Program, mas mataas na school operations funding, mas mahabang work immersion hours, pag-integrate ng tech-voc elements, at pag-modernize ng textbooks at foundational learning, mas lalakas ang epekto ng mga ito kung mas maraming industriya ang sasama.

Binanggit niya ang kasalukuyang partnerships kasama ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), United Nations Children’s Fund (UNICEF), at mga pribadong kumpanya bilang patunay na malaki ang naitutulong ng pagtutulungan sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon at pag-align nito sa trabaho. Gayunman, kailangan pa ng mas maraming kumpanya para maabot ito sa buong bansa.

“My notebook—and my team—are ready to list down every company and organization interested in partnering with us,” sabi ni Angara sa mga miyembro ng AmCham. “An agency that actively seeks partnerships is not showing weakness; it is standing in a position of strength.”

Ipinunto rin niya ang aktibong papel ng DepEd sa Private Sector Advisory Council (PSAC) Jobs Committee sa pamamagitan ng Private Sector Jobs and Skills Corporation (PCORP), na tumutulong sa work immersion, teacher training, curriculum alignment, at nationwide job matching para mas mapadali ang school-to-work transitions.

Inilahad ng DepEd ang mga lugar kung saan puwedeng direktang makatulong ang AmCham companies: pag-develop ng STEM at digital skills programs, pagsuporta sa teacher training, pagbibigay ng industry-level learning tools, pagsali sa Adopt-a-School program, at pagdagdag ng work immersion slots para sa senior high school students.

Pinagtibay din ni Angara ang commitment ng DepEd na ihanda ang mga learners para sa ekonomiyang mabilis nagbabago dahil sa technology, automation, at global trade. Nakinig siya at nakipag-ugnayan sa mga miyembro ng AmCham, at hinikayat silang maging tulay ng DepEd para sa mas maraming partnership sa pribadong sektor.

“As partners in the industry, you understand better than anyone how we can anticipate the future of the workforce,” aniya. “Let us open more doors—more pathways where students can pursue what they truly aspire for in life.”

May temang “The Philippine Labor Market Outlook 2026: Policies and Partnerships for a Competitive Workforce,” ang nasabing meeting ay dinaluhan ng business leaders, multinational corporations, at industry groups na layong palakasin ang ugnayan ng edukasyon at employment.

Sinabi ni Angara na patuloy pang palalawakin ng DepEd ang pakikipag-ugnayan sa mga kumpanya at chambers para masigurong magbunga ang mga reporma ng mas maikli, mas ayos, at mas tiyak na daan mula classroom papuntang magandang career ng bawat Pilipino.