LUNGSOD NG TAGUIG, 11 Disyembre 2025 — Patuloy na pinalalakas ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) para sa digitalization matapos bigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara nitong Huwebes ang lumalawak na papel ng information technology at business process management (IT-BPM) industry sa modernisasyon ng mga silid-aralan sa pampublikong paaralan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa turnover ceremony sa Rizal Elementary School sa Taguig, nagkaloob ang Cognizant Technology Solutions Philippines Inc. (CTSPI) ng 906 laptops, kung saan 80 units ang nakalaan para sa host school.

“Malaking benepisyo ito kasi maraming gusto tumulong sa DepEd. Binuksan talaga natin ang pintuan at ginawa nating madali para makapagpartner sa DepEd. Malaking bagay ito sa ating mga teacher and students dahil sa limited budget,” ani Angara.

Ang donasyon ay isinagawa sa tulong ng IT & Business Process Association of the Philippines (IBPAP) na pinamumunuan ni Mr. Jack Madrid, President & CEO. Ang mga miyembrong kumpanya ng IBPAP, kabilang ang Telus, PwC, Lenovo PCCW Solutions, Amadeus, Carelon, ING Hubs, Shearwater Health, at EY GDS, ay nagbigay ng mahigit 1,800 ICT equipment units sa mga paaralan ng DepEd sa buong bansa.

Ayon kay Angara, ang nasabing partnership ay nakaayon sa nagpapatuloy na digital reforms ng Kagawaran. Para sa 2026, may proposed budget na PhP16.86 bilyon para sa DepEd Computerization Program.

Sinabi ng DepEd na ang pinalakas na digitalization packages para sa 2026—na kasalukuyang hinihintay ang pag-apruba ng bicameral committee—ay susuporta sa pamamahagi ng mahigit 255,590 laptops para sa mga guro, 60,070 laptops para sa learning cart packages, 29,619 smart TV units, 9,654 laptops para sa non-teaching personnel, at pinalawak na internet access para sa 8,253 school sites.

“Gusto natin talaga computer literate ang ating mga estudyante kasi andito na tayo sa Age of Artificial Intelligence. Magbabago lahat ng industriya, magbabago lahat ng pamamaraan, kailangan hindi maiwan ang Pilipino, yun ang gusto ni Pangulong Bongbong,” saad ni Angara habang pinasasalamatan ang House of Representatives at ang Senado sa kanilang suporta sa digitalization efforts ng DepEd.

Binanggit ni Angara na pinabibilis ng suporta ng mga industriya ang gawaing ito lalo na sa panahong maraming pampublikong paaralan ang may limitadong kagamitan. Aniya na ang mga paaralan tulad ng Rizal Elementary—na may higit 4,500 mag-aaral ngunit 38 lamang na gumaganang computers bago ang donasyon—ay makikinabang agad mula sa mga interbensyon ng pribadong sektor.

Bukod sa Computerization Program, binanggit din ng DepEd ang Public-Private Partnership (PPP) for School Infrastructure Project (PSIP) Connect, na layong bawasan ang technology gaps sa pamamagitan ng pagpapalawak ng access sa devices, connectivity, at power solutions sa pampublikong paaralan sa buong bansa. Kasama rin sa mga programa ng ahensya ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya at private partners para mabigyan ng connectivity ang mga nasa geographic isolated and disadvantage areas (GIDA) gamit ang satellite technology.

Ayon sa DepEd, ang patuloy na pakikipagtulungan sa IT-BPM sector ay magpapalakas pa sa direksyon ng bansa tungo sa future-ready education.