![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 12 Disyembre 2025 — Pinalalakas ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), sa pangunguna ni Secretary Sonny Angara, ang mga programa sa kahandaan at pagtugon sa sakuna sa proposed 2026 budget, bilang bahagi ng pagsusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mas ligtas, mas inclusive, at climate-resilient na mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Angara, napakahalaga ng nakatakdang pagtaas ng pondo sa susunod na taon matapos muling makaranas ang Pilipinas ng matitinding kalamidad nitong 2025, kasama na ang mahigit 20 bagyo at ilang malalakas na lindol, na nagdulot ng malawakang suspensiyon ng klase at nagdagdag sa lumalaking bilang ng mga paaralang nangangailangan ng rehabilitation.
“Ang bilin ng Pangulo, dapat handa tayo sa mga malalakas na kalamidad. Ngayong taon, sunod-sunod ang bagyo at malalakas na lindol na tumama sa iba’t ibang rehiyon. Kaya panahon na para hindi lang basta mag-ayos, kundi magpatayo ng mga paaralan nang mas matibay at mas matalino,” ani Angara, na binigyang-diin na isusulong ng DepEd ang mas napapanahong pagtingin sa disaster rehabilitation sa sektor ng edukasyon.
Sa bersiyon ng Senado ng 2026 General Appropriations Bill, nakatakda sa PhP3.77 bilyon ang Disaster Preparedness and Response Program (DPRP) ng DepEd, isang 466.9% na pagangat mula sa PhP665.32 milyon sa 2026 National Expenditure Program (NEP). Layunin ng pondo na patatagin ang kahandaan sa emergency at pabilisin ang pagkukumpuni ng mga paaralang tinamaan ng kalamidad. Hindi pa pinal ang halaga at sasailalim pa sa aprubal ng bicameral conference committee.
Sinabi ng DepEd na nakabatay ang panukalang pondo sa serye ng mga repormang nakatutok sa disaster mitigation. Kamakailan lamang, in-adopt ng ahensya ang PlanSmart for Safe Schools web application para palakasin ang evidence-based contingency planning; ipinakilala ang M7X School Ready Program, na nagse-certify ng earthquake-ready schools sa kahabaan ng West Valley Fault; at inilathala ang Safer Learning Facilities Guidebook para itaguyod ang matatag at child-safe na disenyo ng paaralan.
Para suportahan ang tuloy-tuloy na pagkatuto sa mga komunidad na tinamaan ng sakuna, pinalawak ng DepEd ang Dynamic Learning Program (DLP) at EduKahon kits upang matulungan ang mga paaralan na mabawi ang instructional time. Naghahanda rin ang Kagawaran na mag-deploy ng Learning Continuity Spaces (LCS), mga prefabricated modular structures na mabilis itayo, sa mga lalawigang tulad ng Masbate, upang matiyak na magpapatuloy ang klase habang inaayos ang mga nasirang silid-aralan.
Umaasa rin ang DepEd sa malaking investment para sa Infrastructure for Safer and Resilient Schools (ISRS) Project, na may pondong PhP9.39 bilyon. Target ng programa ang matatag na rehabilitasyon ng mga paaralang sinalanta ng kalamidad sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga istrukturang kayang humarap sa mas malalakas na bagyo, pagbaha, at lindol. Mahigit 4,700 school buildings at 13,000 classrooms — na papakinabangan ng mahigit sa 740,000 mag-aaral — ang nakaplanong i-upgrade.
Ayon sa DepEd, ang ISRS Project, sa pakikipagtulungan sa World Bank, ay idinisenyo hindi lamang para kumpunihin ang pinsala kundi upang matiyak na mas malalagpasan ng mga narehabilitate na paaralan ang susunod pang mga emergency, dahil nagbibigay ito ng structural resilience na kailangan upang maputol ang taunang cycle ng pinsala.


