![]() |
SAN PEDRO CITY, LAGUNA, 12 Disyembre 2025 — Ipinahayag ni Education Secretary Sonny Angara nitong Huwebes ang kanyang suporta sa inagurasyon ng kauna-unahang fully air-conditioned na pampublikong paaralan sa San Pedro City, na tinawag niyang malinaw na patunay na nasa tamang direksyon ang pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa basic education.
Pormal nang binuksan para sa mga mag-aaral at guro ang bagong apat na palapag na gusali ng Pacita 2 Elementary School na may 12 silid-aralan. Ito ang kauna-unahang ganitong klase ng gusali sa Schools Division of San Pedro at itinuturing ng mga opisyal bilang malaking hakbang tungo sa modernisasyon ng mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Angara, ipinapakita ng maraming pag-aaral na mas mahusay ang performance ng mga mag-aaral kapag komportable at maayos ang kanilang learning environment, kaya’t napakahalaga ng mga pasilidad na tulad nito para sa mga guro at estudyante.
“May mga scientific study na mas komportable ang mga learning environment, mas mataas ang score ng mga bata,” ani Angara. “Kaya nagpapasalamat kami sa modernized schools dito.”
“Pangitain po ito na we are doing the right thing, we are on the right track,” dagdag pa niya. Ipinahayag din na ang proyektong ito ay nagpapakita ng direksyong nais tahakin ng DepEd sa buong bansa.
Pinuri naman ni Rep. Ann Matibag ng 1st District ng Laguna ang pamumuno ni Angara sa DepEd, at sinabing mas naging mabilis at epektibo ang koordinasyon sa departamento nitong mga nagdaang buwan.
“Maraming salamat po Sec. Sonny Angara. Sa karanasan ko po sa San Pedro, noong dumating si Sec. Sonny, talagang pinagmamalaki na mas napabilis ang ating pag-uusap, mas naging epektibo,” ayon kay Rep. Matibag.
Samantala, binigyang-diin din ni Angara ang mas malawak na kampanya upang tugunan ang kakulangan sa silid-aralan at iba pang school resources sa buong bansa. Patuloy na gumagamit ang DepEd ng mas mabilis na paraan ng pagpapatayo ng mga gusali, kabilang ang leasing arrangements at pakikipagtulungan sa LGUs at pribadong sektor, upang mapalakas ang kasalukuyang mga hakbang ng pamahalaan.
Sinabi din ng Kalihim ang pag-asa na ipagpapatuloy ng Kongreso ang paglalaan ng mas mataas na pondo para sa basic education, lalo na sa mga school infrastructure projects.
“Sana sa bicam (bicameral committee conference) tuloy-tuloy. Kahit gusto nilang itaas ulit, tatanggapin po natin,” aniya.
Sa Senate version ng 2026 General Appropriations Bill (GAB), nakatanggap ang DepEd ng PhP85.44 bilyon para sa Basic Education Facilities, na layong pabilisin ang pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga silid-aralan at makapagbigay ng mas ligtas at makabagong learning spaces.
Nagtapos ang inagurasyon sa ceremonial ribbon-cutting, unveiling ng building marker, at pagbabasbas ng bagong gusali, kung saan nagpahayag ang mga lokal na opisyal at kinatawan ng DepEd ng pag-asa na magdudulot ito ng mas magagandang learning outcomes para sa mga batang taga-San Pedro.


