LUNGSOD NG MAKATI, 15 Disyembre 2025 — Sa pangunguna ng Department of Education (DepEd), nakatakda muling ilungsad ang revitalized DepEd TV sa pamamagitan ng pinalakas na partnership kasama ang Knowledge Channel Foundation Inc. (KCFI), ang nonprofit na nasa likod ng Knowledge Channel, at Solar Learning. Ito ay bahagi ng education agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mas malawak at patas na akses sa dekalidad na 21st century learning.

Sa ilalim ng kolaborasyon, ilalabas ang curriculum-aligned na DepEd TV content sa iba’t ibang platform ng Knowledge Channel gaya ng on-air, online, at offline, na susuportahan ng broadcast infrastructure ng Solar. Saklaw ng mga channel na ito ang cable, direct-to-home satellite, at digital terrestrial television. Kabilang din ang digital learning resources at iba pang platforms, pati na ang offline solutions gaya ng school-based TV packages at portable media libraries na magbibigay-daan upang magamit ng mga guro ang video lessons kahit walang internet access.

Tutulungan din ng KCFI ang DepEd sa packaging at programming ng curriculum-aligned episodes para gamitin sa mga paaralan, kabilang ang offline deployment para sa mga komunidad na may mababang connectivity.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang partnership ay mahalagang bahagi ng modernisasyon ng DepEd sa paraan ng paghahatid ng mga lessons habang tinutugunan ang pangangailangan ng learning recovery.

“Kung mas marami tayong paraan para makarating ang dekalidad na aral sa bawat tahanan at paaralan, mas malapit tayo sa pangarap ng Bagong Pilipinas. DepEd TV will help us close learning gaps by bringing structured, curriculum-based lessons directly to our students,” sabi ni Angara.

Ayon kay Rina Lopez, President and Co-Founder ng KCFI: “Knowledge Channel is committed to helping DepEd bring structured lessons closer to learners, teachers, and families—especially in areas where connectivity remains a barrier.”

Suportado naman ang commitment na ito ni Mr. Wilson Y. Tieng ng Solar Learning: “For Solar, this agreement takes us a step towards our purpose. By providing a dedicated digital broadcast channel for DepEd TV, we are directly investing in the country’s future. This endeavor is built on shared goals: to ensure that every child has the right to learn effectively, and to support the delivery of 21st-century learning in the classroom.”

Ang soft launch ng DepEd TV ay magpapakilala ng araw-araw na programming na naglalaman ng mga aralin mula Early Childhood Development for Kids hanggang Grade 10. Ang bawat episode ay nakaayos sa malinaw na blocks para sa mga pangunahing asignatura tulad ng English, Filipino, Math, Science, Araling Panlipunan, at MAPEH, upang masundan ng mga mag-aaral ang isang predictable at standardized na televised curriculum.

“Malaking tulong din ang mga programang ito upang mapalakas ang pagtuturo at pag-aaral sa pagbasa at pagbilang, lalong-lalo na ang mga nasa Kinder at Grades 1 to 3,” dagdag pa ni Angara. Magkakaroon din ng Early Childhood Series para sa Parents and Teachers tuwing weekend.

Para sa Knowledge Channel, ang programming ay magkakaroon ng 16 oras ng content mula 6:00am hanggang 11:00pm sa SkyCable Channel 5 (Metro Manila) at SkyTV Channel 32 (Provincial), Cablelink Channel 3 (Metro Manila), at sa mga PCTA-affiliated cable operators. Para sa Direct-to-Home setup, mapapanood ito sa Cignal (Channel 146) at Satlite (Channel 182).

Ang mga TV lessons na maaring mapanood sa mga kabahayan ay isang paraan din upang ang pag aaral ay maging tuloy-tuloy kahit suspendido ang face-to-face classes. Ang mga programang ipapalabas dito ay maari ding mapanood habang ang mga mag-aaral ay nasa evacuation centers lalo at hindi agad sila makakabalik sa kani-kanilang tahanan at paaralan.

Inilahad ng DepEd na ang technical plan para sa rollout ay kinabibilangan ng simulcast broadcast, delayed telecasts, at satellite feed integration upang matiyak ang malawak na coverage at tuloy-tuloy na programming, alinsunod sa technical framework na binuo kasama ang Knowledge Channel at Solar Learning.

Sisimulan ito sa NCR at sa mga piling probinsya sa Luzon, at inaasahang palalawakin pa habang isinasagawa ang phased testing at quality checks.

Gagamitin ng DepEd ang soft launch upang suriin ang broadcast performance, tiyakin ang accessibility sa mga rehiyon, at makipag-ugnayan sa mga field office bago ianunsyo ang nationwide rollout. Ilalabas ang kumpletong schedule ng pagpapatupad matapos maisagawa ang lahat ng technical at content deployment tests.