BATAC CITY, ILOCOS NORTE, 16 Disyembre 2025 — Mas pinaiigting ng Department of Education (DepEd) ang mga reporma sa basic education upang maglinang ng mga creative at work-ready na Pilipino, ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kasabay ng pagtutok ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa creativity, culture, at skills bilang mahalagang drivers ng inclusive growth.

Sa Parnuay: The 3rd Creativity in Philippine Higher Education Summit, sinabi ni Angara na malinaw ang direksiyon ng DepEd na palakasin ang foundational learning, palawakin ang creative skills sa K to 12, at ayusin ang daloy mula basic education papunta sa kolehiyo at trabaho. Diin niya, hindi dapat ituring ang creativity bilang extra activity lang, kundi bahagi ng core ng edukasyon.

“This tells us that the imagination does not magically appear in adulthood. So in DepEd, we have deliberately shifted our focus toward stronger foundational learning, which is a strong thrust of the President,” ani Angara.

Ayon sa Kalihim, nagsisimula nang makita ang resulta ng mga reporma, kabilang ang mas malinaw na alignment ng Senior High School tracks sa pangangailangan ng industriya, mas aktibong pakikipagtulungan sa pribadong sektor, at mas mahigpit na koordinasyon ng DepEd sa Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para makabuo ng mas diretso at praktikal na school-to-work pathways, lalo na sa creative at digital fields.

Batay sa datos ng pamahalaan, umabot sa mahigit ₱1.9 trilyon ang ambag ng creative economy sa ekonomiya noong 2024, patunay na kritikal ang maagang paghahanda ng talento mula pa lamang sa public school system.

Tinukoy rin ni Angara ang Ilocos Norte—ang home province ng first family—bilang konkretong halimbawa kung paano nagsasanib ang kultura, edukasyon, at pamahalaang lokal para lumikha ng tunay na economic value. Binanggit niya ang Himala sa Buhangin, Inabel weaving, burnay pottery, at mga regional festivals bilang patunay na buhay at lumalago ang creative industries kapag nakaugat sa komunidad at sinusuportahan ng malinaw na polisiya.

“This is proof that the creative industry is alive and well far beyond Metro Manila, shaping local economies and strengthening local identities,” ani Angara.

Pinuri rin ng Kalihim ang papel ni First Lady Liza Araneta Marcos sa pagsusulong ng sining at kultura bilang bahagi ng pambansang kaunlaran, lalo na sa pagpapalawak ng national museums at cultural spaces sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

“With these programs aligned, we shape a developmental arc from childhood to higher education to industry, where creativity is refined, not restricted,” dagdag ni Angara, kung saan sinabi niya ring layunin ng DepEd na makapag-produce ng mga graduate na kayang pumasok sa studios, design labs, production floors, at iba pang creative workplaces.

Ang Parnuay: The 3rd Creativity in Philippine Higher Education Summit ay isang tatlong-araw na pambansang pagtitipon na pinangungunahan ng Commission on Higher Education (CHED), na tumatalakay sa papel ng performing at digital arts sa edukasyon, kultura, at ekonomiya. Kabilang sa mga pangunahing tagapagsalita sina CHED Chairperson Shirley Agrupis, TESDA Director General Jose Francisco “Kiko” Benitez, at EDCOM 2 Executive Director Karol Mark Yee, kasama ang mga lider mula sa higher education at creative sectors.