![]() |
LUNGSOD NG PASIG, 17 Disyembre 2025 — Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang mas malinaw na pagtutok ng pamahalaan sa preventive health care sa mga paaralan, kasabay ng pormal na paglulunsad ng Department of Education (DepEd) ng National Vision Screening Program (NVSP) para sa mga kindergarten learner sa buong bansa.
Ayon kay Angara, na principal author ng Republic Act No. 11358 o National Vision Screening Act, isinasabuhay ng nationwide rollout ng NVSP ang layunin ng batas na maagap na matukoy ang mga problema sa paningin bago pa ito maging hadlang sa pagkatuto. Dagdag pa niya, kaakibat ito ng education agenda ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na ituring ang edukasyon at kalusugan bilang magkaugnay at magkatuwang na responsibilidad, at maghatid ng praktikal at maagang suporta sa mga mag-aaral.
“Noong ipinasa natin ang Universal Health Care law (Republic Act No. 11223), malinaw ang layunin natin na kapag sinabing PhilHealth, hindi lang ito para sa gamutan kapag may sakit na. Nandiyan ito para tumulong na hindi na magkasakit pa. Iyan ang preventive health care na gusto nating maramdaman ng bawat Pilipino,” ani Angara sa ginanap na national launch sa Rosario Elementary School sa Pasig City.
Sa NVSP, magkakaroon ng regular na vision screening ang mga paaralan bilang bahagi ng School Health Program, na nakatuon sa maagang pagtukoy ng refractive errors, amblyopia, at iba pang vision disorders na maaaring makaapekto sa pagbabasa, pag-unawa, pakikilahok sa klase, at pangkalahatang academic performance ng mga mag-aaral kapag hindi agad naagapan.
Bilang bahagi ng aktibidad, tumanggap ng prescription eyeglasses ang piling mga learner na dati nang natukoy na may problema sa paningin, bilang patunay ng pagtutok ng programa sa maagap at konkretong interbensyon.
Sinusuportahan ng PhilHealth ang inisyatiba sa pamamagitan ng Yaman ng Kalusugan (YAKAP) program, na isinasama ang mga preventive service tulad ng vision screening at early intervention sa mas malawak na community-based health packages. Katuwang ito ng mga learner-centered initiative ng DepEd gaya ng Clinics for Learners’ Access to School-health Services (CLASS+), na naglalayong ilapit ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga mag-aaral.
Sa naturang paglulunsad, nagsagawa rin ng ceremonial signing ng Memorandum of Understanding ang DepEd at ang Integrated Philippine Association of Optometrists, Inc. (IPAO) upang pormal na pagtibayin ang kanilang partnership sa pagpapalawak ng access sa professional eye care services para sa mga learner sa buong bansa.
Pinatitibay ng kasunduan ang referral system mula sa mga paaralan patungo sa mga lisensiyadong optometrist at sinusuportahan ang school- at community-based eye examinations, corrective interventions, at access sa prescription eyeglasses, kabilang ang mga saklaw ng PhilHealth Optometric Benefit Package.
Binigyang-diin pa ni Angara na mahalaga ang preventive health measures sa mga paaralan upang mapabuti ang learning outcomes at mabawasan ang mga puwang sa pagkatuto na nagsisimula pa lamang sa maagang yugto ng edukasyon ng bata.
Pinangungunahan ng DepEd, sa pamamagitan ng Bureau of Learner Support Services–School Health Division, ang implementasyon ng programa katuwang ang mga health at professional partner gaya ng PhilHealth, IPAO, University of the Philippines–Philippine Eye Research Institute (UP-PERI), at mga local government unit.
Ipapatupad ang NVSP sa buong bansa sa koordinasyon ng mga regional at division office ng DepEd, mga lokal na pamahalaan, at partner institution, upang maging regular at sustainable na bahagi ng learner health services ang vision screening sa mga paaralan.


