![]() |
MANILA, 18 December 2025 — Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nanawagan si Education Secretary Sonny Angara noong Huwebes sa mga lokal na pamahalaan na mas aktibong gumanap sa paghahatid ng mga silid-aralan at sa pagbabantay sa paggamit ng pondo para sa edukasyon. Ito ay kasabay ng kanyang pakikipagdayalogo sa Mayors for Good Governance (M4GG), habang naghahanda ang pamahalaan sa pagpapatupad ng bilyon-bilyong pisong school infrastructure projects sa susunod na taon.
Ayon kay Angara, mahalaga ang mas mahigpit na transparency at accountability habang tinutuloy ng Department of Education (DepEd) ang malaking bahagi ng 2026 school infrastructure program, kung saan mayroong PhP85.4 bilyon na Senate-approved budget para sa pagtatayo at pagkukumpleto ng humigit-kumulang 24,500 classrooms sa buong bansa. Aniya, malaki ang papel ng mga LGU bilang co-implementers, lalo na sa land use, pagpapabilis ng permits, at monitoring ng mga proyekto.
Kinilala rin ni Angara ang papel ng M4GG sa pagsusulong ng integridad at accountability sa local governance, na aniya’y kritikal habang hinaharap ng sektor ng edukasyon ang mahigit 165,000 na kakulangan sa classrooms sa buong bansa.
“Kung malinaw ang bidding, mabilis ang permitting, at mahigpit ang lokal na monitoring, mas mabilis nating maihahatid ang mga silid-aralan sa mga bata,” ani Angara, sabay sabing malaking bagay ang maayos na pamamahala sa lokal na antas para paikliin ang construction timelines at maiwasan ang delays.
Sa planong implementation, sinabi ni Angara na ang mga LGU na may kakayahan ay maaaring direktang humawak ng classroom construction gamit ang national funds, kasabay ng mga proyektong ipatutupad sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), public-private partnerships, at iba pang government partners. Layunin ng multi-track approach na ito na pabilisin ang delivery, lalo na sa mga lugar kung saan mas mabilis kumilos ang LGU sa procurement at project supervision.
Binigyang-diin din ni Angara ang mga reporma sa paggamit ng Special Education Fund (SEF), na nagmumula sa 1% real property tax, kasunod ng updated joint guidelines na inilabas ng DepEd at iba pang oversight agencies.
Sa ilalim ng binagong patakaran, maaari nang gamitin ang SEF bilang suporta sa national spending para sa early childhood education, feeding programs, literacy at remediation initiatives, digital devices sa classrooms, at inclusive education programs, basta’t nakabatay ang alokasyon sa lokal na datos at pangangailangan.
Ayon kay Angara, mahalagang nakaangkla ang paggamit ng SEF sa malinaw na desisyon ng local school boards at data-driven planning upang matiyak na ang pinalaking pondo ay mauuwi sa natapos na classrooms, mas maayos na learning conditions, at mas magagandang resulta para sa mga mag-aaral.
Bahagi ang dayalogo ng mas malawak na pagtulak ng DepEd na buksan ang mga programa at proyekto nito sa mas mahigpit na public scrutiny, kabilang ang pinalawak na auditing, public reporting, at evidence-based planning, habang layon ng administrasyong Marcos na gawing konkretong benepisyo sa mga paaralan ang record-high education budgets.
Ang M4GG ay isang koalisyon ng mga city at municipal mayors na inilunsad noong 2023, na naninindigan sa integridad, transparency, at accountability sa lokal na pamamahala. Kabilang sa mga convenors nito sina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Pasig City Mayor Vico Sotto, Baguio City Mayor Benjamin Magalong, at Isabela City, Basilan Mayor Sitti Hataman.


