Lungsod ng Pasig, 22 Disyembre 2025 — Bilang isa sa pinakamalalaking employer ng pamahalaan, ang Department of Education (DepEd) ay may halos 900,000 public school teachers sa buong bansa. Dahil dito, ang matagal na pagkaantala sa promosyon ay naging suliraning ramdam sa iba’t ibang henerasyon ng mga guro.
Mula Luzon hanggang Mindanao, madalas na nahuhuli ang career advancement hindi dahil sa kakulangan sa performance, kundi dahil sa sistema at matagal nang backlogs.
Upang tugunan ito, isinabatas ang Expanded Career Progression (ECP) for Teachers sa pamamagitan ng Republic Act No. 12288 sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand R. Marcos Jr., at ipinatupad sa pamumuno ni Education Secretary Sonny Angara. Layunin ng reporma na alisin ang promotion backlogs, kilalanin ang aktuwal na taon ng serbisyo sa silid-aralan, at tiyakin ang mas maagap na pag-angat sa karera ng mga gurong nasa aktibong serbisyo.
Sa mga nagdaang buwan, nagsimulang magbigay ng pag-asa ang reporma sa mga dedikadong guro sa buong bansa.
Tuloy ang Serbisyo,
Sa loob ng halos tatlong dekada, hinubog ng tiyaga at tuloy-tuloy na serbisyo ang silid-aralan ni Nardito Dalman Tomampil Jr. sa Santiago National High School sa Iligan City. Sa 27 taon niyang pagtuturo ng science at values education, maaga niyang naranasan na madalas ay mabagal ang career movement sa pampublikong edukasyon.
Nagsimula si Teacher Nardito bilang Teacher I noong 1998. Makalipas ang dalawang taon, na-diagnose siya ng Retinitis Pigmentosa—isang kondisyon na unti-unting nagpapahina ng paningin. Sa halip na tumigil, nanatili siya sa silid-aralan at tahimik na nag-adjust habang lumalabo ang kanyang paningin, umaasa sa routine, memorya, at malalim na pananagutan sa kanyang mga mag-aaral.
Sa loob ng maraming taon, nanatiling malayo ang promosyon niya—hindi dahil sa kakulangan sa performance, kundi dahil hirap ang sistema na kilalanin agad ang mahabang serbisyo. Lumawak man ang kanyang tungkulin sa klase, hindi ito nasabayan ng ranggo. Noong 2021 lamang siya unang na-promote bilang Teacher II, mahigit dalawang dekada matapos magsimula at matagal na matapos ang kanyang diagnosis.
Pagkalipas ng apat na taon, nagbago ang takbo. Sa ilalim ng ECP, dumating ang makabuluhan at mabilis na pag-usad. Noong 2025, na-promote si Tomampil bilang Teacher IV, kabilang sa mahigit 500 guro sa Division of Iligan City na ang mahabang serbisyo ay sa akas nasuklian ng napapanahong career advancement.
Para kay Teacher Nardito, higit pa sa ranggo ang promosyon. Pinatunayan nitong hindi hadlang ang kanyang kapansanan sa kakayahang magturo, at ang mga taong minsang hindi napapansin ay ngayon kinikilala na ng sistemang inaayos ang sarili nitong pagkukulang.
“Ang maipapayo ko po sa ating mga kapwa-guro na may kapansanan ay huwag silang panghinaan ng loob at dapat magsumikap at panatilihin ang commitment sa pagtuturo at darating din ang pagkakataon upang kayo ay ma-promote,” ani Tomampil.
Bagong Role, Bagong Pag-asa
Sa Cordillera Administrative Region (CAR), kahalintulad ang karanasan ni Teacher Rebecca M. Macaiba. Sa Manadapig Elementary School sa Tabuk City, Kalinga, nanatili siyang Teacher III sa loob ng 19 na taon—patuloy na humuhubog ng karanasan kahit matagal ang paghihintay sa promosyon.
Ang kanyang pag-angat bilang Teacher VI—isang tatlong antas na lundag—sa ilalim ng ECP ay hudyat ng paglipat mula paghihintay tungo sa pagkilala ng kanyang serbisyo. Ayon kay Macaiba, kinikilala rin sa huli ang tiyaga, gaano man ito katagal subukin. Pinuri niya ang administrasyon ni Pangulong Marcos sa paglalagay ng pagkilala sa guro bilang pambansang prayoridad, at ang pamumuno ni Secretary Angara sa pagsasalin ng polisiya tungo sa konkretong benepisyo sa mga paaralan.
“After many years in service, this reclassification stands as a quiet but powerful reminder that patience and perseverance, no matter how long tested, are never in vain,” ani Macaiba.
Ibang Landas para sa Susunod na Henerasyon
Ang mga kuwento nina Tomampil at Macaiba ay patunay ng mga dating pagkukulang ng sistema—at ng direksiyong tinatahak nito ngayon dahil may 16,000 officially promoted na at 41,000 na susunod pa. Gaya ng binigyang-diin ni Pangulong Marcos sa kanyang 2024 State of the Nation Address (SONA), layunin ng reporma na tuluyang wakasan ang career stagnation.
“Sa sistemang ito, wala nang public school teacher na magre-retire na Teacher I lamang,” aniya.
Para sa mga bagong gurong papasok sa serbisyo, malinaw ang mensahe: hindi na kailangang maghintay ng ilang dekada para sa unang promosyon, at hindi na dapat nauuna ang bigat ng responsibilidad kaysa sa ranggo. Ang career advancement ay inaasahang mangyari sa tamang panahon, hindi bilang huling gantimpala sa pagtatapos ng serbisyo.
Dahil nakabatay na sa batas at ipinatutupad sa malawakang saklaw, patuloy na tinatrabaho ng DepEd ang mas maagang pagkilala sa dedikasyon, mas pare-parehong pagpapahalaga sa serbisyo, at isang karerang umaabante kasabay ng mga guro—hindi nahuhuli sa likod nila.
Sa sistemang may halos 900,000 guro, ang pag-aayos ng karera, isang promosyon sa bawat pagkakataon, ay hindi lamang reporma—ito ay pananagutan.

