![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 26 December 2025 – Sa pagtatapos ng 2025, itinampok ng Department of Education (DepEd) ang mga guro at education stakeholders na sa tahimik ngunit masigasig na paraan ay tumutulong sa mga mag-aaral, paaralan, learning community, at nagsisiguro na ang mga reporma sa edukasyon ay tunay na naipatutupad sa mga komunidad.
Sa unang anibersaryo ng kanyang panunungkulan, binigyang-pugay ni Kalihim Sonny Angara ang mga tahimik na bayani ng edukasyon—ang mga nagbubuhat ng bigat sa likod ng eksena para umunlad ang mga paaralan at mag-aaral.
Sa kanyang pangunguna, kinilala ng DepEd Heroes ang mga indibidwal at grupo na tumindig sa mga sandaling hindi man palaging napapabalita, ngunit may malinaw at konkretong epekto sa mga paaralan at komunidad sa buong bansa.
“Kapag may isang tumulong, may sumusunod. Hanggang sa maramdaman ang epekto nito sa ating mga paaralan at komunidad. Iyan ang diwa ng ating DepEd Heroes,” ayon kay Secretary Angara.
Mula nang unang igawad ang parangal noong Agosto 14, kinilala na ng programa ang 12 indibidwal: pitong guro, anim na mag-aaral, at tatlong pribadong mamamayan—bawat isa ay pinarangalan para sa tiyak na gawa ng serbisyo na sumasalamin sa mga pagpapahalagang nais palakasin ng DepEd sa buong sistema.
Mga Guro: Dedikasyon sa gitna ng hamon
Kabilang sa mga pinarangalan ang pitong guro na, sa pamamagitan ng kanilang mga pang-araw-araw na pagpili, personal na sakripisyo, at tahimik na pamumuno, ay nagpanatili sa ningas ng karunungan kahit sa pinakamahihirap na sitwasyon.
Mula noong 2012, nagsilbi si Grace Bohol sa isang liblib na komunidad sa Samar. Naglalakad siya nang ilang oras sa putik at baha upang makarating sa paaralan. Higit pa sa pagtupad sa tungkulin, nagtatag siya ng mga programa sa literasiya, nakakuha ng scholarship para sa kanyang mga mag-aaral, at ginawang mas ligtas na palaruan at lunan ng pagkatuto ang mga bakanteng espasyo.
Ipinagpatuloy ni Marivic Villacampa ang pagtuturo ng dalawang klase habang sumasailalim sa chemotherapy. Pinili niya ang magturo kaysa magpahinga, at nagsilbing matatag na sandigan ng kanyang mga mag-aaral sa gitna ng kanyang pakikipaglaban sa kanser.
Nang tumama ang lindol sa kanilang lugar, binuhat ni Elmer Sugarol, isang Grade 6 teacher, ang isang mag-aaral na may kapansanan pababa ng tatlong palapag, inuuna ang kaligtasan ng bata kaysa sa kanyang sarili.
Sa Bulacan, araw-araw na sinuong ni Lorlita Lubao ang ilang buwang pagbaha makarating lamang sa kanyang silid-aralan. Hindi niya hinahayaan na maging hadlang ang malupit na kondisyon sa karapatan ng kanyang mga Grade 1 pupil na matuto.
Para sa pagdadala ng edukasyong Pilipino sa pandaigdigang entablado at sa pagpapatibay ng pagkatutong kultural sa loob ng bansa, kinilala si Ma. Lourdes Rola ng Caloocan High School sa kanyang pakikilahok sa Korea-Philippines Teacher Exchange Programme at sa pamumuno sa mga inisyatibang gaya ng SALIN-KULTURA at LET IT GROW.
Sa Laguna, inilunsad ni Mary Jane Reodica ang L.A.L.A. Project na nagbigay sa ALS learners ng mga practical skills—tulad ng pagbe-bake, paghahabi, at meat processing— na nagbukas ng pinto para sa trabaho at pangkabuhayan.
Sa C.P. Sta. Teresa Elementary School sa Taguig City, ginawang isang masiglang Gulayan sa Paaralan ni Erik Jim Bongon ang mga dating hindi nagagamit na espasyo. Tinuturuan niya ang mahigit 200 na mag-aaral taon-taon tungkol sa kahalagahan ng sustainable agriculture na sumusuporta sa feeding program ng paaralan.
Mga Mag-aaral: Batang bayani sa oras ng sakuna
Itinampok din ng pagkilala ang mga mag-aaral na nagpakita ng tapang at mabilis na pag-iisip sa mga sandaling nakataya ang buhay.
Pinarangalan si Mark Borila at ang kanyang mga kaklase na sina Marco Alegro, Jared Allicaya, John Vincent Teñido, at Christian Jay Maglasang ng Davao del Norte Regional Sports Academy matapos nilang magtulungan upang mailigtas at maihatid sa ligtas na lugar ang isang nasugatang kaklase sa gitna ng lindol.
Sa Cebu naman, kinilala si Jayboy Magdadaro, 15 taong gulang, ng Jubay Integrated School matapos niyang mailigtas ang mahigit 50 residente noong Typhoon Tino, gamit lamang ang isang maliit na bangka at life vest—at tumangging tumanggap ng anumang kapalit sa kanyang ginawa.
Mga pribadong indibidwal: Kaagapay ng komunidad sa edukasyon
Kinilala rin ng DepEd ang mga pribadong mamamayan na kusang-loob na tumulong sa pagpapalakas ng mga paaralan, lampas sa kanilang pormal na tungkulin.
Pinarangalan si Mommy Dea Solayao, isang parent-volunteer sa Maybancal Elementary School, sa patuloy niyang paglinang sa pagmamahal ng mga bata sa pagbabasa sa pamamagitan ng storytelling na isinasagawa niya mula pa noong pandemya.
Kinilala si Atty. Blake Feken sa kanyang pamumuno sa isang pro-bono initiative na tumutulong mag-secure ng mga titulo ng lupa para sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa, upang matiyak na ang mga mag-aaral ay nagkakaroon ng mga permanenting espasyo, protektado, at tunay nilang maituturing na sarili.
Sa Southern Leyte, pinarangalan si Capt. Edcel Viraque, isang Master Mariner, sa personal niyang pagtulong sa pagpapabuti ng mga paaralan kung saan naglilingkod ang kanyang asawa—mula sa pagtatayo ng silid-aralan, pag-upgrade ng pasilidad, hanggang sa donasyon ng mga kagamitan.
Sa pagharap sa 2026, layon ng DepEd na pagtibayin pa ang kanilang pangako ay ipagpatuloy ang pagkilala at pagsuporta sa mga araw-araw na bayani ng edukasyon, upang sila ay malinaw na makita, mabigyan ng pangalan, at mapahalagahan ang serbisyo.
“Sa bawat kuwentong ating pinararangalan, umaasa tayong mas marami pang gawa ng malasakit at dedikasyon ang susunod. Ang epekto ng ating mga DepEd Heroes ay magpapatuloy hanggang sa bagong taon, at aabot sa mas marami pang buhay at komunidad,” dagdag ni Kalihim Angara.


