LUNGSOD NG MAKATI, 29 Disyembre 2025 – Noong 2025, ramdam na ang mga reporma sa edukasyon. Mula sa pagpaplano, tuluyan nang kumilos ang Department of Education (DepEd) upang maramdaman ng mga guro at mag-aaral ang mga pagbabagong matagal nang hinihintay.

Sa ilaliim ng mga direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., naging makabuluhan ang unang buong taon ni Education Secretary Sonny Angara sa panunungkulan. Umusad nang malinaw ang 5-Point Agenda, lalo na sa pagpapatupad ng Expanded Career Progression System na nagbigay-daan na sa promosyon ng tinatayang nasa 16,000 pampublikong guro, at sa patuloy na pagpapalawak ng ARAL Program para tulungan ang nasa higit tatlong milyong mag-aaral na nangangailangang humabol sa kanilang pagkatuto.

Ipinapakita ng mga repormang ito ang malinaw na hangarin ng DepEd: alagaan ang mga guro at tiyaking walang mag-aaral ang naiiwan.

“Prioridad ng ating ahensiya ang pagsisiguro na may sapat na suporta ang ating mga guro at walang maiiwan na mag-aaral sa ating basic education system,” ayon kay Secretary Angara.

Para sa Kapakanan ng mga Guro

Isa sa pinakamalaking hakbang ng administrasyon noong 2025 ang ganap na pagpapatupad ng Expanded Career Progression (ECP) System—isang repormang matagal nang hinihintay ng mga guro sa buong bansa.

Sa ilalim ng bagong sistema, 16,025 pampublikong guro ang na-promote. Bukod dito, 41,183 guro pa ang kasalukuyang dumaraan sa proseso ng promosyon, at naipasa na ang kanilang mga aplikasyon sa Department of Budget and Management (DBM) para sa susunod na batch.

Tiniyak din ng DepEd na natanggap ng mga guro ang mga benepisyo at allowance na tumutulong sa kanilang kalusugan, kaginhawaan, at kakayahang magturo nang mas mahusay.

Kabilang dito ang P10,000 teaching allowance sa ilalim ng Kabalikat sa Pagtuturo Act, P7,000 medical allowance, at mga year-end bonus gaya ng P5,000 Performance Enhancement Incentive at P20,000 Service Recognition Incentive—bilang pagkilala sa kanilang sipag at dedikasyon.

Mas nakatuon na ngayon ang oras ng mga guro sa pagtuturo mismo, matapos bawasan ng DepEd ng 57% ang mga school forms at magtalaga ng 4,887 support staff sa mga paaralan.

Pagtutok sa Pagkatuto ng mga Bata

Binigyang-diin ni Secretary Angara na hindi magiging ganap ang reporma kung hindi tutulungan ang mga mag-aaral na nahuhuli sa pagkatuto.

Sa pamamagitan ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, inatasan ang lahat ng pampublikong paaralan na ipatupad ang programang ito. Sa ngayon, mahigit tatlong milyong mag-aaral na ang natulungan.

Noong nakaraang summer, tinulungan din ng DepEd ang halos 92,000 mag-aaral sa pamamagitan ng Literacy Remediation Program at ng Bawat Bata Makababasa Program.

Sa susunod na yugto ng reporma, target ng DepEd na masuportahan ang mahigit tatlong milyong mag-aaral sa ilalim ng ARAL Program. Maglalaan din ng tig-P1 milyon na pondo para sa bawat isa sa 131 piling pampublikong paaralan sa ilalim ng Bayang Bumabasa Initiative.

Matapos maresolba ang mga matagal nang isyu sa procurement, target ding maipamahagi ang 103.9 milyong textbook at learning materials upang mas mapalakas pa ang mga programa sa pagbasa at literasiya.

Mula sa Plano Tungo sa Tunay na Pagbabago

Sa buong taon, sinikap ni Secretary Angara at ng DepEd na tiyaking ang mga reporma ay hindi lang nananatili sa papel lamang, kundi tunay na nararamdaman sa mga paaralan at komunidad.

Habang papatapos ang taon, muling iginiit ng DepEd na ang mga programang ito ay bahagi ng mas malawak na pagbabago sa edukasyon, alinsunod sa bisyon ni Pangulong Marcos Jr. para sa Bagong Pilipinas.

“Para sa susunod na taon, gamit ang pondong ipinagkaloob sa atin, patuloy tayong magtatayo ng sistema ng edukasyon na tunay na makatutulong sa kapakanan ng ating mga guro, mag-aaral, at sa kinabukasan ng ating bansa,” ani Angara.