LUNGSOD NG MAKATI, 30 Disyembre 2025 – Tiwala ang Department of Education (DepEd) na mapakinabangan nang husto ang malaking bahagi ng PhP6.79-trilyong pambansang badyet para sa 2026 para sa mga prayoridad sa edukasyon, kasunod ng pagpapatibay ng General Appropriations Bill ng parehong kapulungan ng Kongreso nitong Lunes, Disyembre 29.

Binuo sa malapit na koordinasyon sa mga mambabatas at may matibay na suporta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang alokasyon para sa DepEd sa 2026 ay itinuturing na makasaysayang antas ng suporta para sa sektor. Inilalagay nito ang ahensiya, sa pamumuno ni Kalihim Sonny Angara, sa mas maayos na posisyon upang pabilisin ang matagal nang planong mga reporma sa mga paaralan, silid-aralan, at mga sistema ng pagkatuto.

“We have stayed true to our mission to make education the biggest investment of the 2026 budget,” pahayag ni Senate Committee on Finance Chair Win Gatchalian.

“Magkakaroon na ng malinaw at makabuluhang hakbang para mabawasan ang kakulangan sa mga silid-aralan; milyon-milyong mag-aaral na dumaranas ng malnutrisyon ang makikinabang sa school-based feeding program. At sisiguraduhin nating ang bawat estudyante ay may sariling textbook,” dagdag niya.

Sa panig ng House of Representatives, binigyang-diin ni Nueva Ecija 1st District Rep. at Committee on Appropriations Chairperson Mikaela Angela Suansing na ang 2026 budget ay nagbigay-prayoridad sa pagpapalakas ng mga inisyatiba sa human capital development.

“Ang gusto po naming itawag dito sa budget na ito ay isang people-centered budget. Talaga pong in terms of the process itself, wherein we made sure that the process is transparent and accountable to the Filipino people, and in terms of the content, where we really focused on human capital development,” ani Rep. Suansing.

Nasa pinal na pagsusuri ito ng Pangulo bago ang nakatakdang paglagda ng General Appropriations Act sa unang linggo ng Enero.

“Isa ito sa pinaka-transparent na budget process sa kasaysayan kaya’t makikita natin talaga kung saan napupunta ang pondo, anong proyekto ang tinatamaan, at ano ang inaasahang maihahatid,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara, na pinuri ang pagpapatibay ng 2026 national budget ng parehong kapulungan ng Kongreso bilang mahalagang hakbang tungo sa mas matibay na transparency at accountability sa paggastos ng pamahalaan.

“Sa panig ng Pangulo, malinaw ang utos na busisiin ang budget at tiyaking bawat piso ay may malinaw na balik sa pagkatuto ng mga bata, lalo na habang pinapabilis ang mga repormang pang-edukasyon na dapat direktang maramdaman sa loob ng silid-aralan at ng mga guro,” dagdag niya.

Ayon sa DepEd, sumasalamin ang istruktura ng 2026 budget sa sinadyang paglipat tungo sa mas mataas na antas ng transparency. Sa patuloy na suporta ni Pangulong Marcos at ng Kongreso, nakatuon ang Kagawaran na maghatid ng mas nakikitang mga pagpapabuti sa mga silid-aralan, pasilidad, at kondisyon ng pagkatuto sa susunod na taon.