![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 31 Disyembre 2025 — Sa pamumuno ni Education Secretary Sonny Angara, patuloy na isinulong ng Department of Education (DepEd) ang mga repormang nagpapabuti sa kalagayan ng mga paaralan, mula sa pagpapalakas ng senior high school tracks, mas maayos na pagtutugma ng kurikulum at assessment, hanggang sa pagpapalawak ng mga programang naghahanda sa mga mag-aaral para sa mundo ng trabaho sa buong bansa.
Kasabay ng mga hakbang sa pamamahala at imprastraktura, mas pinagtibay ng mga repormang ito ang direksyon ng DepEd—na nakabatay sa Five-Point Reform Agenda—tungo sa paghubog ng mga gradwadong may praktikal na kasanayan, malinaw na landas patungo sa trabaho o mas mataas na edukasyon, at isang sistemang kayang panatilihin ang mga positibong pagbabagong ito sa pangmatagalan.
“Kasama sa paalala sa atin ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagkakaroon ng education system na tunay na makatutulong sa mga kabataang Pilipino—isang sistemang maghahanda sa kanila sa susunod na yugto ng kanilang buhay, ang pagpasok sa mundo ng trabaho,” ani Secretary Angara.
Kasunod ng pagpapatibay ng General Appropriations Bill ng Kongreso noong Disyembre 29, binibigyang-diin ng ahensiya na ipagpapatuloy nito, sa pamumuno ni Secretary Angara, ang momentum na ito upang masiguro ang tuloy-tuloy na paghahatid ng kalidad na edukasyon sa darating na taon.
Mula Pagkatuto Tungo sa Trabaho
Isa sa mga pangunahing hakbang ng DepEd ay ang paglulunsad ng Strengthened Senior High School (SHS) Program, na layong gawing mas responsive, mas relevant, at mas angkop ang huling taon ng basic education sa paglipat ng mga mag-aaral mula paaralan patungo sa trabaho.
Bahagi ng repormang ito ang pagsasaayos ng kurikulum, na ngayon ay may dalawang malinaw na landas—ang Academic track at ang Technical-Professional track. Pinalawak din ng DepEd ang Work Immersion Program mula 80 oras tungo sa 320 hanggang 640 oras para sa mga Technical-Professional learners, upang mas maging makabuluhan at hands-on ang kanilang karanasan sa aktuwal na lugar ng trabaho.
Para sa susunod na taon, tinitingnan ng Department—kasama ang mga Regional Directors at Schools Division Superintendents—ang mga paraan upang lalo pang pagbutihin ang kasalukuyang kurikulum at maipatupad ang programa sa mas maraming paaralan.
Layunin din ni Secretary Angara na ipagpatuloy sa 2026 ang pagbibigay ng libreng National Certification (NC) assessments, sa pakikipagtulungan sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Sa taong ito lamang, mahigit 170,000 SHS-Technical-Vocational-Livelihood (TVL) learners na ang natulungan ng dalawang ahensya.
Sa mga susunod na hakbang, bibigyang-priyoridad ng DepEd ang mas epektibong pagpapatupad ng Philippine Qualifications Framework at Philippine Skills Framework, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan, upang mas maging maayos at tuluy-tuloy ang paglipat mula edukasyon patungo sa trabaho para sa mas maraming Pilipino.
Mas Epektibong Sistema ng Edukasyon
Binigyang-diin din ni Secretary Angara ang kahalagahan ng pagpapahusay sa efficiency ng sistema ng edukasyon, upang masigurong maayos ang pagpapatupad ng mga pangunahing programa na direktang nakikinabang ang mga guro at mag-aaral.
Sa ilalim ng mga espesyal na probisyon ng badyet sa susunod na taon, magiging mas flexible ang rollout ng mga classroom programs. Magbibigay ito ng mas maraming pagkakataon sa mga local government units at pribadong institusyon na makipagtulungan sa DepEd sa paghahatid ng mas matibay at modernong mga pasilidad sa paaralan.
Tiniyak din ni Angara na mas marami pang pribadong partner—pati na mga individual donors—ang maaaring makibahagi sa pagpapatayo ng mga silid-aralan sa pamamagitan ng mas pinahusay na Adopt-a-School platform.
Mahalaga ang mga hakbanging ito sa pagtupad ng mga target ng Department: 24,547 classrooms sa ilalim ng Basic Education Facilities Fund (BEFF), 1,700 classrooms na uupahan, 11,886 classrooms na aayusin, at 105,000 bagong classrooms na ihahatid sa ilalim ng PSIP initiative.
Kasabay nito, patuloy ding pinapalakas ng DepEd ang pamumuhunan nito sa teknolohiya at artificial intelligence, lalo na sa paglulunsad ng Education Center for AI Research (ECAIR), na nagsisilbing sentro ng Department para sa mga evidence-based policies at initiatives.
“Sa ilalim ng Bagong Pilipinas ng ating mahal na Pangulo, mas lalo nating pagtitibayin ang sistema ng edukasyon upang makalikha ng mas maraming oportunidad para sa ating mga kabataan,” ani Angara.


