LUNGSOD NG MAKATI, 05 Enero 2026 — Upang masiguro ang tuloy-tuloy na reporma sa edukasyon, nangako ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na susulitin ang makasaysayang badyet sa edukasyon para sa darating na taon sa pormal na paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pambansang badyet ng 2026, na nagmarka bilang unang pagkakataon na naabot ng Pilipinas ang benchmark ng UNESCO para sa paggasta sa edukasyon.

“The 2026 national budget shall sustain our momentum in education reforms, in health protection, in food security, in social security, and in job creation,” ani President Marcos sa isinagawang pagpirma sa 2026 General Appropriations Act (GAA) sa Malacañang.

Sa rekord ng pamumuhunan sa DepEd at mga attached agencies nito na nagkakahalaga ng Php1.015 trillion (kasama ang Retirement and Life Insurance Premiums), sinabi ni Secretary Sonny Angara na nakuha ng ahensya ang pinakamalaking badyet nito para sa mga programang direktang sumusuporta sa mga mag-aaral at guro, kabilang ang mga silid-aralan at pasilidad ng paaralan, school-based feeding, textbooks, learner subsidies, laptop para sa mga guro at mag-aaral, karagdagang mga posisyon para sa teaching at non-teaching, at patuloy na pagsasanay para sa mga guro at pinuno ng paaralan.

“Ngayong 2026, nakatuon ang DepEd sa pagsisiguro na mas lalo pa nating mapapaunlad ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa sa pamamagitan ng sapat at maayos na mga pasilidad, mas malawak na access sa digital tools, at tuloy-tuloy na suporta para sa ating mga guro,” ani Secretary Angara.

Alinsunod sa Five-Point Reform Agenda ni Secretary Angara, nakatakdang paigtingin ng DepEd ang mga program na tutugon sa matagal nang hamon ng 165,000-classroom backlog sa pamamagitan ng pagkuha ng Php 85.3 bilyon sa ilalim ng inaprubahang Fiscal Year 2026 budget. Sa halagang ito, Php 65 bilyon ang ilalaan sa pagtatayo ng 24,964 bagong silid-aralan, habang Php 7.7 bilyon naman ang ilalaan para sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng mga kasalukuyang gusali ng paaralan.

Sinabi ni Angara na, bilang bahagi ng pangako ng ahensya sa isang mas malinaw at mas mabilis na pagpapatupad ng mga programa sa pagtatayo ng paaralan, ang DepEd ay aktibong magsusumikap sa pakikipagtulungan sa mga local government units at private sector partners sa pamamagitan ng Public-Private Partnerships.

Samantala, nakatanggap ang Kagawaran ng Php 19.5 bilyon para sa produksyon ng mga textbook at iba pang learning materials. Noong nakaraang taon, ang ahensya ay nakakuha ng 105 textbook titles sa loob ng isang taon—na nagtala ng 289% na pagtaas sa proseso.

Higit pa sa pisikal na imprastraktura, titiyakin din ng DepEd na ang lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa ay may access sa mga digital tools at maaasahang internet connectivity. Para sa taong ito, nakakuha ang Kagawaran ng Php 10.6 bilyon para sa DepEd Computerization Program (DCP).

Ang Kagawaran ay pinagkalooban din ng Php 4.6 bilyon para sa pagsasanay ng guro upang matiyak na ang mga tagapagturo ay equipped sa mga makabago, makabuluhan, at epektibong pamamaraan ng pagtuturo sa loob ng silid-aralan.

Dagdag pa rito, ang DepEd ay naglaan ng Php 42.4 bilyon para sa pagkuha ng 32,916 teaching items, 6,000 Principal I positions, at 10,000 School Counselor Associate na posisyon, na binibigyang-diin ang pangako ng ahensya sa pagpapagaan ng administrative workload ng mga guro at pagbibigay-daan sa kanila na mas tumutok sa aktwal na pagtuturo sa silid-aralan. Nakalaan din sa nasabing pondo ang lump sum amount para sa pag fill up ng teaching items, na nagkakahalaga ng Php 29 billion.

Nakakuha na rin ang DepEd ng pondo para sa pagkuha ng 11,268 Administrative Officer II na mga posisyon na nagkakahalaga ng Php 2.2 bilyon, gayundin ang 5,000 Project Development Officer I na posisyon na nagkakahalaga ng Php 1 bilyon.

Higit pa rito, binigyang-diin ni Angara na ang paghahatid ng dekalidad na edukasyon ay dapat kasabay ng pagtiyak ng kalusugan at kagalingan ng mga mag-aaral. Dahil dito, nagkaloob ang Kongreso ng Php 25.6 bilyon para sa pagpapatupad ng Expanded School-Based Feeding Program, na nakatakdang pakikinabangan ng 4.6 milyong mag-aaral sa buong bansa.

Sa ilalim ng bagong feeding program, target ng ahensya na makinabang ang lahat ng Kindergarten learners at severely wasted at wasted Grade 2 to 6 learners sa loob ng 200 araw at nutritionally at risk pregnant adolescents na naka-enroll sa public schools sa loob ng 45 feeding days.

“We are looking at a very promising 2026 for the education sector. Nagpapasalamat tayo sa ating mahal na Pangulo, President Bongbong Marcos, sa kaniyang patuloy na suporta sa ating mga mag-aaral at mga guro—dahil dito, mas magiging epektibo at mas mararamdaman ang mga reporma natin ngayong taon,” saad ni Sec. Angara.