![]() |
LUNGSOD NG MAYNILA, 06 Enero 2025 – Pinaiigting ng Department of Education (DepEd) ang mas mahigpit na controls at accountability measures sa Senior High School Voucher Program, kasabay ng patuloy na legal action laban sa mga iregular at fraudulent na subsidy claims, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na reporma sa ilalim ng pamumuno ni Education Secretary Sonny Angara.
Kaagad matapos matuklasan ang mga iregularidad, naghain ang DepEd Central Office ng pitong kaso laban sa mga erring private schools at nagsampa ng criminal charges laban sa mga indibidwal na napatunayang nag-claim ng subsidies para sa mga hindi kwalipikado o fictitious na voucher beneficiaries. Aabot sa Php 37.58 milyon ang kabuuang halaga ng mga kasong ito na kasalukuyang dumaraan sa kaukulang legal na proseso.
Kasabay nito, patuloy ring pinapalakas ng DepEd ang program governance sa ilalim ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE). Kabilang sa mga hakbang ang mas mahigpit na implementation oversight, mas malinaw na program rules, at mas pinaigting na koordinasyon sa mga private school associations upang tugunan ang paulit-ulit na isyu sa dokumentasyon, compliance, at processing timelines.
“Binago po natin yung sistema, dati binabayaran kaagad, inaadvance yung bayad, ngayon tinitignan talaga yung resulta at kung naka-enroll, tapos yung learner number at nag-iinstitute tayo ng mga safeguards both at the school level and at the DepEd level. Binabangga namin yung mga database natin na dati hindi ginagawa,” ani Angara sa Malacañang press briefing noong Martes.
Tinutukoy ni Sec. Angara ang pinalakas na five-step validation framework na ngayon ay ipinatutupad upang masigurong sa mga kwalipikadong learners lamang napupunta ang subsidies. Kabilang dito ang sistematikong cross-checking ng Voucher Management System at Learner Information System, pagresolba ng data discrepancies, post-audit monitoring visits sa mga participating private schools, site inspections sa field offices, at revalidation ng learner eligibility at enrollment status sa ikalawang semestre.
“Gusto lamang muli natin pasalamatan dahil napag-usapan ang tungkol sa ghost students, maraming maraming salamat dahil sa pagpasok ni Secretary Sonny Angara sa DepEd, ito po ay nadiskubre,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro.
Sa pamamagitan ng mga repormang ito, napigilan ng DepEd ang pag-release ng hindi bababa sa PhP200 milyon na pondo para sa mga hindi kwalipikadong beneficiaries noong School Years 2023–2024 at 2024–2025.
Kasabay rin nito, tinatapos na ng DepEd ang updated guidelines para sa recognition ng mga senior high schools na kalahok sa voucher program. Layunin ng mga patakarang ito na i-align ang partisipasyon ng private schools sa pare-parehong pamantayan sa kalidad, compliance, at accountability.
Ayon sa DepEd, bahagi ang mga hakbang na ito ng mas malawak na pagsisikap ng ahensya na patatagin ang transparency, fiscal discipline, at safeguards sa pagpapatupad ng Senior High School Voucher Program, upang matiyak na napoprotektahan ang pondo ng bayan at napupunta lamang sa mga learners na tumutugon sa requirements ng programa.


