LUNGSOD NG MAKATI, 06 Enero 2026 — Sa pagsisimula ng bagong taon at matapos maipasa ang 2026 national budget, binigyang-diin ni Secretary Sonny Angara na patuloy ang pagsisikap ng Department of Education (DepEd) upang matiyak na handa ang sistema at maayos ang koordinasyon sa mga paaralan sa buong bansa. Layunin nitong masiguro ang tuloy-tuloy na pagkatuto at mapangalagaan ang kapakanan ng mga mag-aaral at guro habang nagpapatuloy ang mga klase.

Sa tulong ng Php 1.015-trilyong badyet ng DepEd para sa 2026, tiniyak ng Kagawaran na lalo nitong palalakasin ang learning continuity, lalo na sa mga lugar na labis na naapektuhan ng mga kalamidad noong nakaraang taon. Kasabay nito, nananatiling pangunahing prayoridad ng ahensiya ang kalusugan, kaligtasan, at kapakanan ng mga guro at mag-aaral.

“Marami man tayong pagsubok na kinaharap noong nakaraang taon—lalo na ang mga kalamidad na nakaapekto sa pagkatuto ng ating mga mag-aaral—patuloy nating isusulong ang learning continuity sa ating mga paaralan,” Secretary Angara said.

Noong nakaraang taon, sunod-sunod na malalakas na kalamidad ang hinarap ng mga pampublikong paaralan na sumubok sa mga silid-aralan at pasilidad. Halimbawa, dahil sa Super Typhoon Uwan, umabot sa 2,953 paaralan ang napinsala sa mga apektadong lugar. Sa mga ito, 10,400 silid-aralan ang nagtamo ng iba’t ibang antas ng pinsala, dahilan upang masuspinde ang mga klase nang ilang araw—at sa ilang lugar, ilang linggo pa.

Para masigurong hindi tuluyang nahihinto ang pagkatuto kahit kulang o wala pang permanenteng pasilidad, binigyang-diin ni Secretary Angara ang kahalagahan ng mabilis at praktikal na solusyon. Isa rito ang pagtatayo ng Learning Continuity Spaces (LCS), na maaaring maitayo sa loob lamang ng ilang linggo.

Batay sa pinakahuling datos ng DepEd, may kabuuang 133 LCS units sa 127 lokasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang kasalukuyang pinoproseso para sa procurement. Matatagpuan ang mga ito sa mga lugar na matinding tinamaan ng sunod-sunod na bagyo at lindol, at target na ma-awardan sa unang quarter ng 2026.

Ibinahagi rin ng Kagawaran na pinag-aaralan nito ang mga paraan para lalo pang mapahusay ang LCS, tulad ng paglalagay ng window shutters o storm guards upang maiwasan ang pagkabasag ng salamin kapag may malalakas na hangin tuwing may bagyo.

Bukod sa mga hakbang sa imprastraktura, tiniyak ni Sec. Angara na magpapatuloy ang pagpapatupad ng Alternative Delivery Modalities (ADMs) sa mga lugar na apektado ng mga nagdaang at patuloy na kalamidad. Sa ganitong paraan, nananatiling pangunahing prayoridad ang kaligtasan, kapakanan, at kalusugan ng mga guro at mag-aaral habang nagpapatuloy ang pagkatuto.

“Mahalaga para sa DepEd na masigurong maipagpapatuloy ng ating mga mag-aaral ang kanilang pagkatuto kahit mayroong mga kalamidad. Rest assured na ipatutupad ng ahensiya ang mga hakbang na ito na angkop sa pangangailangan ng ating mga paaralan, kasama ang konsiderasyon sa kanilang kasalukuyang sitwasyon,” Sec. Angara noted.

Sa unang kwarter ng taon, nakatakda ring maglabas ang DepEd ng isang bagong polisiya na magtataguyod ng ligtas, inklusibo, at nakahihikayat na learning environment. Bibigyang-diin nito na ang mga paaralan ay dapat maging ligtas na espasyo—malaya sa anumang anyo ng karahasan, harrassment at bullying—para sa mga guro at mag-aaral.

Layunin din ng polisiya na mabawasan ang mga kaso kaugnay ng Learner Rights and Protection (LRP) sa buong bansa, palakasin ang mga mekanismo ng pag-iwas at agarang pagtugon sa mga paaralan at learning centers, at hikayatin ang mas aktibong pakikilahok ng iba’t ibang stakeholders sa pagharap sa mga isyung may kinalaman sa LRP.