LUNGSOD NG MAKATI, 07 Enero 2026 — Iniulat ng Department of Education (DepEd) ang malinaw na pagbuti ng kakayahan sa pagbasa ng mga mag-aaral sa ilalim ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, batay sa mga resulta ng assessment na nagpapakita ng malaking pagbaba sa bilang ng mga hirap magbasa sa iba’t ibang baitang. Kasabay nito, inilaan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Php8.93 bilyon sa panukalang pambansang badyet para sa 2026 upang ganap na mapalawak ang programa sa buong bansa.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang panukalang Php8.93-bilyong pondo ang kauna-unahang full funding ng ARAL mula nang maisabatas ito noong 2025, na magbibigay-daan upang mas mapalawak ang mga napatunayang estratehiya para tulungan ang mga mag-aaral na makahabol sa pagbasa at matematika.

“Dito po sa ARAL Program, unprecedented din po iyong spending. Ito iyong para humabol tayo dahil lumalabas na nahuli na ang ating mga bata sa reading and math,” pahayag ni Angara sa Malacañang press briefing noong Martes.

Batay sa Middle of School Year (MoSY) assessments ng DepEd, na may 96 porsiyentong submission rate nitong January 5, 2026, bumaba ang porsiyento ng mga mag-aaral na itinuturing na struggling readers kumpara sa simula ng school year.

Sa Grades 3 hanggang 6, umangat ng humigit-kumulang limang puntos ang reading readiness, habang sa Grades 7 hanggang 10 ay naitala ang pagtaas na mula anim hanggang siyam na puntos. Katumbas ito ng 3.42 milyong mag-aaral sa Grades 3–6 at 1.72 milyong mag-aaral sa Grades 7–10 na mas lumapit sa grade-level proficiency sa pagbasa.

Sa likod ng mga bilang na ito ay mga mag-aaral tulad ni Rachel, isang Grade 7 learner mula sa Iriga City. Sa simula ng school year, madalas siyang mag-alinlangan na magbasa nang malakas sa klase. Matapos mapasama sa ARAL Program, mas maayos na siyang nakakabasa sa Filipino at English at mas naging kumpiyansa sa loob ng silid-aralan. “Salamat kasi may natutunan ako sa pagbabasa, napakalaking tulong po ito sa akin,” ani Rachel, habang pinasalamatan ang kanyang guro at tutor sa suportang ibinigay sa kanya.

Ayon sa DepEd, ang mga pagbuting ito ay bunga ng masinsing remediation, mas tutok na tutorial sessions, at regular na monitoring ng progreso ng mga mag-aaral sa ilalim ng ARAL Program—mga interbensyong lalo pang palalakasin at isasapamantayan sa buong bansa sa pamamagitan ng full funding sa 2026.

Sa ilalim ng buong pondo para sa 2026, target ng DepEd na makapag-engage ng mahigit 440,000 tutors sa buong bansa, kabilang ang mga mula sa DepEd at mga non-DepEd personnel.

Sinabi ni Angara na ang pinalawak na badyet ay magbibigay-daan sa mas malawak na partisipasyon ng external at volunteer tutors, mababawasan ang pag-asa sa overtime ng mga guro, at magaanan ang kanilang workload sa paaralan.

Dahil sa karagdagang pondo, tinataya ng DepEd na aabot sa humigit-kumulang 6.7 milyong mag-aaral ang maseserbisyuhan ng ARAL sa School Year 2026–2027—halos doble ng tinatayang tatlong milyong learners na naabot ng programa noong 2025.

Dagdag ng ahensya, susuportahan din ng pondo ang mas pinalakas na training ng tutors na nakaangkla sa literacy standards, mas maayos na learning materials, at mas matibay na monitoring at evaluation systems, kabilang ang pagsubaybay sa learners sa pamamagitan ng Learner Information System.

Ipinunto ng DepEd na ang patuloy na suporta ng Pangulo at ng Kongreso sa ARAL Program ay hudyat ng pangmatagalang pag-embed ng remediation sa sistema ng basic education, habang patuloy na tinutugunan ang mga literacy issues ng bansa.