LUNGSOD NG MAKATI, 08 Enero 2026 — Sa tulong ng rekord na badyet na Php1.015 trilyon para sa basic education, palalawakin ng Department of Education (DepEd) ang School-Based Feeding Program (SBFP) sa 2026, na inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 4.6 milyong mag-aaral sa buong bansa bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na tugunan ang malnutrisyon at mapabuti ang pagpasok at pananatili ng mga bata sa paaralan.

Sa matibay na suporta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ng Kongreso, nakakuha ang DepEd ng Php25.7 bilyon para sa pinalawak na SBFP, na magbibigay-daan sa mas malawak na saklaw, mula sa mga unang baitang hanggang sa mga nutritionally at-risk na mag-aaral sa mas mataas na antas.

Sa ilalim ng pinalawak na programa, magbibigay ang DepEd ng masusustansiyang pagkain sa humigit-kumulang 1.52 milyong kindergarten learners at 1.79 milyong Grade 1 learners sa loob ng 200 feeding days. Makikinabang din sa parehong bilang ng feeding days ang karagdagang 1.18 milyong mag-aaral sa Grades 2 hanggang 6 na itinuturing na wasted o severely wasted.

“Malinaw po sa datos na hindi makakapag-aral nang maayos ang bata kung gutom siya. Kaya pinalalawak natin ang School-Based Feeding Program para mas maraming mag-aaral ang mabigyan ng sapat na nutrisyon, lalo na sa mga unang baitang at sa mga pinaka-nangangailangan,” ayon kay Education Secretary Sonny Angara. “Higit sa pagbibigay ng pagkain, layunin ng programa na matulungan ang mga bata na manatili sa paaralan at maging handa sa pagkatuto araw-araw.”

Sa unang pagkakataon, saklaw na rin ng programa ang humigit-kumulang 140,000 nutritionally at-risk, disadvantaged, o vulnerable learners na lagpas Grade 6, kasama ang pregnant learners na naka-enroll sa public schools. Makatatanggap sila ng nutritional support sa loob ng 180 feeding days.

Isasagawa ang bahaging ito ng programa katuwang ang Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at ang Department of the Interior and Local Government (DILG), upang maisama ang kinakailangang maternal at child health support.

Ayon sa DepEd, ang pinalawak na saklaw ng SBFP ay para sa pagpapabuti ng learning readiness sa pamamagitan ng pagtugon sa gutom at malnutrisyon, na patuloy na nakaaapekto sa pagpasok sa klase, partisipasyon, at pangkalahatang academic performance ng mga mag-aaral, lalo na sa mga komunidad na higit na nangangailangan.

Upang mapabuti ang pagtukoy ng benepisyaryo at ang implementasyon ng programa, ilulunsad ng DepEd ang System for Intelligent Growth and Learner Anthropometry (SIGLA), isang Artificial Intelligence-enabled platform na magpapadali sa pangangalap at beripikasyon ng datos ukol sa kalusugan at nutrisyon ng mga mag-aaral.

Samantala, maaaring magsilbing implementing partners ang mga local government unit sa pamamagitan ng memoranda of agreement, habang hinihikayat ng DepEd ang mas malapit na koordinasyon sa aktuwal na pagpapatupad ng programa sa mga paaralan at komunidad.

Sa pagbibigay ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mga mag-aaral, bibigyan ng prayoridad ang mga lokal na produktong pagkain at inumin, o mga produktong gawa sa Pilipinas, alinsunod sa Tatak Pinoy Act (Republic Act No. 11981), upang masuportahan ang lokal na mga prodyuser at matiyak ang sariwa at angkop sa kultura na pagkain para sa mga mag-aaral.

Ang milk feeding naman ay pangangasiwaan ng National Dairy Authority at ng Philippine Carabao Center, bilang suporta sa nutrisyon ng mga mag-aaral at sa lokal na industriya ng gatas.

Ayon sa DepEd, pinagtitibay ng pinalawak na School-Based Feeding Program ang pangako ng administrasyon na gawing hindi lamang sentro ng pagkatuto ang mga paaralan, kundi ligtas at mapagkalingang espasyo kung saan natutugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng bawat mag-aaral.