LUNGSOD NG QUEZON, 09 Enero 2026 — Gagabayan at ia-upskill ang mga mag-aaral, guro, magulang, at mga pinuno ng paaralan sa responsable at makabuluhang paggamit ng artificial intelligence sa basic education, matapos pangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara ang paglulunsad ng Accelerating Governance and Adaptive Pedagogy through Artificial Intelligence o Project AGAP.AI noong Biyernes.

Bilang flagship initiative ng pamahalaan, inilalagay ng Project AGAP.AI ang mga stakeholder ng edukasyon sa sentro ng AI transition. Layunin nitong magbigay ng malinaw na frameworks, pagsasanay, at safeguards upang matiyak na ang AI ay magsisilbing suporta sa pagtuturo, pamamahala ng mga paaralan, at pagpapabuti ng learning outcomes sa gitna ng mabilis na pagbabago ng teknolohiya. Ipatutupad ang Project AGAP.AI nang paunti-unti simula 2026.

“In our language, Agapay means to support or to bridge. This is what we are trying to do today, standing next to our people and bridging the gap between technology and education,” President Marcos said.

Ayon kay Sec. Angara, nakaangkla ang Project AGAP.AI sa isang malinaw na pambansang framework na kaayon ng Bagong Pilipinas agenda at ng Quality Basic Education Development Plan (QBEDP).

“Isang malinaw na framework, na nakaangkla sa Bagong Pilipinas at sa Quality Basic Education Development Plan. Para palakasin ang pagtuturo, pagandahin ang pamamahala, at maghatid ng mas mahusay na resulta sa buong education system,” ani Angara. “Makatao. Makaguro. Makabata. This is how we build a future-ready Philippines. And a future-ready ASEAN.”

Isa sa mga pangunahing bahagi ng Project AGAP.AI ang malawakang capacity-building. Sa buong 2026, ilulunsad ng DepEd ang isang nationwide AI training program na tinawag na AI Ready ASEAN Philippines, na idinisenyo para sa mga guro, mag-aaral, at magulang. Target nitong maabot ang hanggang 1.5 milyong kalahok sa buong bansa, kabilang ang 1.05 milyong learners, 300,000 guro, at 150,000 magulang. Isinasagawa ang training program katuwang ang mga lokal na partner implementers tulad ng Limitless Lab Organization, SmartCitiesPH, Inc., Break the Fake Movement, CGPH Incorporated, at ASEAN Youth Organization.

Ayon sa DepEd, pinondohan ang inisyatiba ng ASEAN Foundation at sinusuportahan ng Google.org. Ipinapakilala ng training ang AI sa payak na paraan, kabilang ang mga batayang konsepto, praktikal na gamit sa classroom, ethics at data privacy, at kung paano tutugunan ang mga panganib gaya ng misinformation.

Lumagda rin ang DepEd at ang ASEAN Foundation sa isang Memorandum of Agreement sa mismong paglulunsad upang pormal na patatagin ang kanilang partnership sa pagtataguyod ng responsable at inklusibong AI literacy sa bansa.

Upang magkaroon ng malinaw na guardrails, nakatakda ring ilabas ng DepEd ang Foundational Guidelines on the Integration of Artificial Intelligence in Basic Education. Ilalatag sa mga panuntunang ito ang mga pamantayan sa responsableng paggamit, proteksyon ng mga mag-aaral, inclusivity, at etikal na deployment ng AI tools sa mga paaralan.

Kasabay nito, isinusulong na rin ang mga reporma sa kurikulum. Plano ng DepEd na isama ang mga konsepto ng AI sa basic education curriculum upang mapalakas ang AI literacy at computational thinking ng mga mag-aaral. Bilang suporta, ilulunsad din ang mga AI-focused in-service training modules para sa mga guro sa ikalawang quarter ng 2026.

Isinasagawa ang inisyatiba sa tulong ng mga internasyonal at lokal na partner. Kabilang dito ang pakikipagtulungan ng DepEd sa Massachusetts Institute of Technology – Responsible AI for Social Empowerment & Education (MIT RAISE) at sa Day of AI Initiative para sa curriculum integration at teacher training.

Magsasagawa rin ang DepEd ng pilot testing ng mga AI-powered tools sa 2026 upang suportahan ang pagtuturo, assessment, at pamamahala ng mga paaralan. Ang mga ito ay binuo ng Education Center for AI Research (ECAIR) at layong palakasin ang data-driven at evidence-based decision-making sa buong education system. Palalawakin din ang mga umiiral nang AI-powered platforms, alinsunod sa reliability, fairness, at data privacy.

Kaayon ang Project AGAP.AI ng ASEAN Vision 2045 at ng mas malawak na digital transformation agenda ng administrasyong Marcos, kung saan itinatampok ang edukasyon bilang pundasyon sa paghahanda ng mga Pilipino sa isang ekonomiyang lalong hinuhubog ng AI.