![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 12 Enero 2026 — Pinalalawak ng Department of Education (DepEd) ang school-based mental health at anti-bullying support sa pamamagitan ng pormal na paglahok ng mga magulang, guardians, at caregivers bilang mga katuwang sa pagprotekta sa mga mag-aaral sa ilalim ng pagpapatupad ng Kaagapay Program.
Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 002, s. 2026, magiging katuwang sa Kaagapay Program ang mga magulang at tagapag-alaga bilang co-educators na tumutulong sa pagpapatibay ng values formation, positive discipline, at learner well-being sa tahanan, bilang direktang suporta sa pagtuturo sa silid-aralan at mga school-based guidance program.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, pinatitibay ng reporma ang support system sa paligid ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng aktibong paglahok ng pamilya.
“Bilang magulang din, alam natin kung gaano kabigat na responsibilidad ang pag-aalaga at paggabay sa bata. Kaya kapag magkakasama ang pamilya at paaralan sa paghubog ng asal at pag-unawa sa pinagdadaanan ng anak, mas napapangalagaan ang learners at mas gumagaan ang trabaho ng mga guro,” ani Angara.
May kabuuang Php100 milyon na pondo sa buong bansa para sa pagsasagawa ng Kaagapay Program. Ito ay nakalaan para sa parent engagement sessions at advocacy campaigns na layong isalin ang mga polisiya ng paaralan tungo sa praktikal at pang-araw-araw na gawain sa loob ng pamilya. Gumagamit ang mga sesyong ito ng participatory at experiential methods tulad ng pagbabahagi ng best practices, guided reflection, at action planning, upang mas maunawaan ng mga magulang ang asal ng mga mag-aaral, kanilang socio-emotional needs, at ang mga unang palatandaan ng bullying o distress.
Structured ang mga sesyon upang matulungan ang mga magulang na mailugar ang kanilang papel sa loob ng kurikulum ng DepEd at mga prayoridad sa learner development bago talakayin ang mga usapin kaugnay ng socio-emotional at values support, positive discipline, bullying awareness, at home–school–community partnership. Hinihikayat ang mga magulang na magnilay batay sa kanilang sariling sitwasyon sa pamilya at bumuo ng simpleng home action plans na nakaayon sa mga layunin ng paaralan, upang magpatuloy ang mga positibong gawain kahit matapos ang mga sesyon.
Upang mas marami ang makalahok, maaaring isagawa ng mga paaralan ang programa sa pamamagitan ng face-to-face, modular, at asynchronous delivery modes, isinasaalang-alang ang iskedyul, pinanggagalingan, at kalagayan ng mga magulang. Bukas ang programa sa lahat ng magulang at caregivers ng mga mag-aaral sa pampublikong elementarya at sekundaryang paaralan, at idinisenyo upang masiguro ang representasyon ng iba’t ibang uri ng pamilya at antas ng kabuhayan. Boluntaryo ang paglahok at may mga proteksyon para sa privacy at maiwasan ang stigma.
Kasalukuyan nang isinasagawa ang Kaagapay Program, kung saan nagpapatuloy ang koordinasyon at engagement activities sa loob ng School Year 2025–2026 sa pamamagitan ng mga schools division offices.
Kasabay ng paglulunsad ng Kaagapay ang mas malawak na pamumuhunan ng pamahalaan para sa learner well-being, kabilang ang Php2.9 bilyong pondo para sa School-Based Mental Health Program. Sinusuportahan ng pondong ito ang pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080), na nag-uutos sa pagpapatibay ng school-based mental health services, kabilang ang suicide prevention sa mga paaralan.
Ayon sa DepEd, layon ng Kaagapay na patatagin ang learner protection at well-being sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga magulang ay hindi lamang tagamasid kundi aktibong katuwang sa pagbuo ng ligtas, maalaga, at inklusibong kapaligiran sa mga paaralan.


