![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 13 Enero 2026 — Sinulong ni Education Secretary Sonny Angara ang paglulunsad ng Php105.7-bilyong public-private partnership (PPP) para sa pagtatayo ng 16,459 bagong silid-aralan sa mga lugar na may pinakamalaking pangangailangan upang tuldukan ang siksikan sa mga silid-aralan at wakasan ang mabagal na pag-usad ng school infrastructure.
Kamakailan, nakuha nina Sec. Angara at ng DepEd team ang pag-apruba ng Public-Private Partnership for School Infrastructure Project Phase III (PSIP III) mula sa Economy and Development Council (ED Council) na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Hindi na puwedeng umasa lang tayo sa iisang paraan. PSIP is one of our horses in this race to deliver classrooms faster to our communities. Every classroom we build reduces congestion, improves safety, at nagbibigay ng sapat na espasyo para makapag-aral nang maayos ang mga bata at makapagturo nang epektibo ang mga guro,” ani Angara.
Ayon sa Kalihim, ang PSIP III ay bahagi ng mas malawak na reporma ng DepEd na layong pabilisin ang pagtatayo ng mga silid-aralan at ayusin ang pamamahala ng school infrastructure. Dagdag pa ito sa halos 24,000 silid-aralan na nakapaloob na sa 2026 national budget, gayundin ang programang magbibigay daan sa mga lokal na pamahalaan na direktang magpatayo ng mga silid-aralan. Ang lahat ng ito ay bilang tugon sa tinatayang 165,000-classroom backlog ng bansa.
“Sa pamamagitan ng PSIP III, binubuksan natin ang pintuan sa isang whole-of-nation approach—pakikipagtulungan sa pribadong sektor para mas mabilis at mas episyenteng makapaghatid ng mga silid-aralan, at kasabay nito’y mapasigla ang lokal na industriya,” dagdag ni Angara. Tinatayang mahigit 57,000 trabaho ang malilikha mula sa mga proyektong ito.
Binanggit din ni Angara na ang DepEd team, kasama ang economic team, ang PPP Center, at mga eksperto mula sa Asian Development Bank, ay aktibong pinabibilis ang pagpapatayo ng mga PPP classrooms, alinsunod sa panawagan ni Pangulong Marcos na magtalaga ng green lane para sa mga PPP ng DepEd.
Kapag ganap nang operational, inaasahang hanggang 800,000 mag-aaral kada taon ang direktang makikinabang sa mga bagong silid-aralan. Milyon-milyon pa ang makikinabang dahil sa pagbawas ng siksikan sa mahigit 1,000 pampublikong paaralan. Dahil dito, inaasahang bababa ang karaniwang laki ng klase mula 50 tungo sa humigit-kumulang 39 na mag-aaral, na magbibigay ng mas ligtas, mas maayos, at mas angkop na learning environment at mas aktibong interaksyon sa loob ng silid-aralan.
Bukod dito, sa pagbawas ng siksikan at pag-alis ng multiple-shift schedules, inaasahang hahaba ang aktwal na oras ng pagkatuto ng mga mag-aaral, mababawasan ang pagod ng mga guro, at higit na mapapabuti ang pangkalahatang operasyon at kaligtasan sa mga paaralan.
May positibong epekto rin ito sa pondo ng pamahalaan. Tinatayang makakatipid ng humigit-kumulang Php40.15 bilyon ang gobyerno sa ilalim ng PSIP III.
Isasagawa ang proyekto sa pamamagitan ng solicited public-private partnership gamit ang build-lease-and-transfer scheme, kung saan mangangasiwa ang DepEd sa implementasyon at titiyak na nasusunod ang mga education standards at timelines.
Mahigit isang dekada na ang lumipas mula nang ipatupad ang PSIP I at II, na magkasamang nakapaghatid ng 13,391 silid-aralan. Ngayon, sa layuning mas mapabilis at mapalawak ang paghahatid ng mga silid-aralan, nakatakdang maging pinakamalaking classroom PPP sa kasaysayan ng bansa ang PSIP III.
Batay sa indicative timeline, inaasahang magsisimula ang bidding sa Marso 2026, kasunod ng pag-apruba nito noong Enero. Target naman ang contract signing sa Agosto 2026, habang nakatakdang magsimula ang konstruksyon sa Marso 2027, alinsunod sa Public-Private Partnership Code.
Layunin na matapos ang lahat ng silid-aralan sa loob ng 19 na buwan matapos ang contract signing, at inaasahang ganap na makukumpleto pagsapit ng Marso 2028.


