LUNGSOD NG MAKATI, 14 Enero 2026 — Alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas maging mabilis, transparent, at tugon sa pangangailangan ng publiko ang paggastos ng gobyerno, nagtala ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ng makabuluhang progreso sa procurement noong 2025, sa unang buong taon ni Secretary Sonny Angara sa DepEd.

Noong 2025, nagastos na ng DepEd ang 99.3% ng nakalaang pondo para sa procurement gamit ang 2024 funds. Dahil dito, naging aktuwal na programa, kagamitan, at serbisyo ang budget na direktang nakatutulong sa pagkatuto sa silid-aralan.

Bilang pangunahing may-akda ng New Government Procurement Act noong panahon niya sa Senado, binigyang-diin ni Angara ang milestone bilang usapin ng public accountability.

“Nung pumasok kami sa DepEd, ang marching order mula sa Pangulo ay bawat pisong inaprubahan para sa edukasyon ay dapat maramdaman sa silid-aralan. Hindi puwedeng manatili lang sa papel ang budget, kailangan itong maging aklat, kagamitan, at suporta na aktuwal na napapakinabangan ng mga mag-aaral at guro,” ani Angara.

Pinalakas din ng DepEd ang pagpapatupad ng mga programa gamit ang Early Procurement Activities (EPA). Sa pamamagitan nito, 91 kontrata para sa 2025 ay naipamahagi pa lang simula Enero, at lahat ng EPA contracts ay na-award bago mag-Marso. Dahil dito, nakarating ang mga kagamitan sa mga paaralan mula Marso hanggang Agosto, kaya mas maaga nang nagamit ng mga mag-aaral ang kanilang learning resources.

Kabilang sa mga pangunahing procurement ng 2025 ang digital at classroom support items sa ilalim ng DepEd Computerization Program, tulad ng 33,540 laptops para sa mga guro, 5,302 laptops para sa non-teaching staff, at 30,440 smart TV na naipamahagi sa buong bansa. Nakapag-award din ang ahensya para makabili ng 1,374,231 Science and Mathematics Equipment (SME) packages para sa mga paaralan.

As of 2025, direktang pumasok sa mga kontrata ang DepEd para sa 47 silid-aralan sa ilalim ng Last Mile Schools (LMS) program, kung saan binago ang tradisyunal na konstruksyon patungo sa design-and-build approach upang maiwasan ang paulit-ulit na pagkaantala at pag-abandona ng mga proyekto dahil sa mga site-specific conditions.

Pinangunahan din ni Sec. Angara ang malaking pagbabago sa textbook procurement, kung saan kaysa maghintay pa ng mga manuscript, bumibili na ng mga aklat na available na sa merkado. Dahil sa pagbabagong ito, napaiksi ang kabuuang procurement timeline hanggang delivery mula 245 hanggang 451 araw tungo sa humigit-kumulang 180 araw na lamang.

Nakatipid ang DepEd ng hanggang 246 araw, katumbas ng 26 hanggang 45 porsiyentong pagbilis ng proseso. Dahil dito, nakumpleto ng DepEd sa pag-award ng lahat ng textbook procurement plans para sa 2025, gamit ang pondo mula 2024 at 2025 upang masiguro ang maagap na availability ng learning materials sa mga paaralan.

Nag-award din ang DepEd ng ilang proyekto na layong palakasin ang professional development ng mga guro at isulong ang inclusive. Kasama rito ang mga proyekto para sa upskilling at reskilling ng 1,000 professional teachers at graduating pre-service teachers bilang bahagi ng kanilang career progression, gayundin ang policy mapping at pagpapalakas ng referral mechanisms para sa mga mag-aaral na may kapansanan sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS).

Pinabilis din ang Teacher Effectiveness and Competencies Enhancement Project (TEACEP), isang limang taong proyekto na pinondohan ng World Bank at naglalayong mapabuti ang kalidad at access sa edukasyon mula Kindergarten hanggang Grade 6 sa Regions IX, XII, at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Bilang bahagi ng proyekto, naipamahagi ang 16,600 tablets upang suportahan ang pagtuturo, pagkatuto, at instructional leadership sa mga priority areas.

Upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagkatuto kahit sa panahon ng kalamidad at emergency, inilunsad din ng DepEd ang prototype units ng Disaster Response System para sa Learning Continuity Package at isinagawa ang pag-upgrade ng Learning Continuity Spaces (LCS). Kabilang dito ang deployment ng 141 LCS, na binubuo ng dalawang prototype units, anim na units na naipatayo na sa Masbate, at 133 units para sa deployment sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Matagumpay ding ipinatupad ng DepEd ang School-Based Feeding Program (SBFP) noong fiscal year 2025. Sa ilalim ng programa, 3,398,541 mag-aaral ang nabigyan ng masustansiyang pagkain o mainit na pagkain sa loob ng 120 araw, habang 2,685,054 mag-aaral naman ang nakinabang sa milk feeding sa loob ng 15 araw.

Para sa early childhood education, naipamahagi ang 228,740 sets ng kindergarten educational toys at 2,216,383 million kinder activity sheets, na nagpalakas sa play-based learning at school readiness ng mga batang mag-aaral.

Sa pagkatanggap ng DepEd ng pinakamalaking budget sa kasaysayan na P1.015 trillion para sa 2026, sinabi ng departamento na mas paiigtingin pa nila ang procurement reforms para maging mas mabilis at tugon sa pangangailangan ng mga paaralan. Kasama na rito ang mas malawak na early procurement, mas maayos na pagtutugma ng plano sa aktwal na pangangailangan ng paaralan, at mas mabilis na delivery. Ito ay para siguraduhing nakikinabang ang mga mag-aaral at guro sa bawat dagdag na pondo.

“Kapag maayos at maagap ang procurement, mas maaga ring nakakarating sa mga paaralan ang mga kailangang resources. Doon nasusukat kung epektibo ang serbisyo ng gobyerno at kung may tunay na balik ang pondo ng bayan,” ani Angara.

Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na reporma para i-modernize ang procurement, paikliin ang delivery cycle, at siguraduhing bawat pisong inilaan sa edukasyon ay may malinaw at agarang benepisyo sa mga mag-aaral, guro, at paaralan.