LUNGSOD NG MAKATI, 15 Enero 2026 — Masisiguro ng Department of Education (DepEd) na makapagpapatuloy ang pag-aaral ng mga estudyanteng naapektuhan ng kalamidad at matinding panahon, sa pamamagitan ng mas pinalakas at mas pinalawak na paggamit ng DepEd TV bilang alternatibong paraan ng pagkatuto.

Bilang bahagi ng revitalization ng DepEd TV, makikipagtulungan ang Kagawaran sa Knowledge Channel Foundation, Inc. at Solar Learning upang isama ang mga programang nakaayon sa kurikulum sa broadcast-based instruction. Layunin nitong matiyak na tuloy-tuloy ang pagkatuto sa mga evacuation center at mga komunidad na apektado ng sakuna, habang inuuna ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.

“Ngayong taon, ipagpapatuloy natin ang ating mga pagsisikap na magkaroon ng mas maraming opsyon para maipagpatuloy ang edukasyon tuwing may kalamidad. Gagamitin natin ang DepEd TV upang mas maging accessible ang pagkatuto—lalo na sa mga lugar na madalas tatamaan ng bagyo,” ayon kay Education Secretary Sonny Angara.

Mapapanood ang DepEd TV sa iba’t ibang plataporma tulad ng Digital Free TV, Cable TV, at Direct-to-Home (DTH) Satellite.

Magiging available ang Digital Free TV signals sa National Capital Region, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Bataan, Pampanga, Nueva Ecija, Baguio, Naga, Legazpi, Cebu, Iloilo, Davao, Cagayan de Oro, General Santos, at Zamboanga, sa pamamagitan ng BEAM Channel 31 at SBN Channel 21.

Mapapanood din ang DepEd TV sa SkyCable Channel 3 sa Metro Manila, Sky TV sa iba’t ibang lalawigan, at sa mga PCTA Member Cable Operators sa buong bansa. Available rin ito sa Cignal (Channel 146) at Satellite TV (Channel 182) sa ilalim ng Direct-to-Home (DTH) Satellite platform.

Sa kasalukuyan, may 16 na oras ng daily programming ang Knowledge Channel na binubuo ng mga pre-recorded at K–12–aligned instructional videos sa mga asignaturang Filipino, Math, English, Araling Panlipunan, at Science. Ang mga content na ito ay naisumite na rin sa Learning Systems Strand bilang paghahanda sa full revitalized launch ng DepEd TV.

Bilang bahagi ng paghahanda sa opisyal na paglulunsad, magsisimula ring ipalabas ng Kagawaran ang DepEd TV bug version at magsasagawa ng masusing review ng programming grid. Titiyakin nitong nakaayon ang mga programa sa daily learning logs ng mga guro at nananatiling kapaki-pakinabang tuwing may class suspension at no-class days.

“Bahagi ang inisyatibang ito ng mas malawak na layunin ng Kagawaran na tuparin ang adhikain ni Pangulong Bongbong Marcos—ang matiyak na tuloy-tuloy ang dekalidad na edukasyon, anuman ang kalamidad na ating haharapin,” ani Secretary Angara.