MAYNILA, 15 Enero 2026 — Muling iginiit ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) nitong Huwebes na nananatiling sentro ng agenda ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa reporma sa edukasyon ang pagpapatibay ng early childhood education, kasabay ng pagpasok ng Revised K to 10 Curriculum sa huling yugto ng pilot implementation para sa School Year 2025–2026.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, hindi sapat na nakatuon lamang sa disenyo ng kurikulum ang mga reporma sa unang baitang. Mahalaga ring tugunan ang kahandaan ng mag-aaral, nutrisyon, at aktuwal na kalagayan sa silid-aralan, na may malaking impluwensiya sa pagkatuto.

“Alam natin na ang curriculum reform ay hindi madalian. Real impact takes years. Pero may mga realidad sa silid-aralan na hindi puwedeng ipagpaliban,” ani Angara, sabay-diin na patuloy na hinahamon ang mga paaralan ng suliranin sa pagbasa at basic numeracy, lalo na sa mga unang baitang.

Dagdag niya, malinaw ang paninindigan ng administrasyon ni Pangulong Marcos na ang mga reporma sa edukasyon ay kailangang maramdaman sa loob mismo ng mga silid-aralan, kahit kinikilala na ang malalaking pagbabago sa sistema ay nangangailangan ng panahon.

Bilang bahagi ng ganitong pananaw, iniulat ng DepEd na itinuturing na ngayon ang nutrisyon ng mag-aaral bilang pangunahing sangkap ng pagkatuto at hindi lamang dagdag na programa. Para sa SY 2025–2026, tinatayang 3.47 milyong mag-aaral, kabilang ang lahat ng kindergarten pupils, ang nakatanggap ng mainit na pagkain, habang 2.85 milyong mag-aaral naman ang nakinabang sa milk feeding sa ilalim ng School-Based Feeding Program (SBFP). Umabot din sa 1.98 milyong mag-aaral ang kindergarten enrollment, ang pinakamataas sa nakalipas na apat na taon.

“Kaya sinasadya nating iangat ang early childhood care and development efforts,” ayon kay Angara. “Dahil gutom ang isa sa pinakamalaking hadlang sa pagkatuto, at kapag mahina ang pundasyon, mahirap umusad ang buong sistema.”

Simula School Year 2026–2027, plano ng DepEd na palawakin pa ang SBFP kung saan 4.64 milyong mag-aaral sa buong bansa ang benepisyaryo, kabilang ang lahat ng Kindergarten at

Grade 1 learners, bilang bahagi ng layuning tiyakin ang matibay na pundasyon ng pagkatuto sa mga unang taon ng edukasyon.

Mahalaga ang mga interbensiyong ito lalo na’t mas binibigyang-diin ng Revised K to 10 Curriculum ang mahahalagang kasanayan sa reading at matematika sa mga formative years ng mga mag-aaral.

Bukod sa feeding at suporta sa early grades, patuloy ding pinapalakas ng Kagawaran ang learning recovery programs, tinitiyak ang maagap na pamamahagi ng learning materials, pinalalawak ang access sa digital tools, at pinahuhusay ang mental health support para sa mga mag-aaral at guro bilang bahagi ng mas malawak na repormang kaakibat ng transisyon sa bagong kurikulum.

Pinagtitibay rin ng DepEd ang play-based learning matapos ipamahagi ang 228,740 set ng kindergarten educational toys at 2,216,383 kindergarten activity sheets sa mga pampublikong paaralan.

Sa ilalim ng DepEd Computerization Program, nakapag-procure din ang ahensiya ng mga digital at classroom support items, kabilang ang mahigit 33,000 laptops para sa teaching personnel, 5,000 laptops para sa non-teaching staff, at 30,000 smart televisions. Nagpapamahagi na rin ang humigit-kumulang 1.3 milyong Science and Mathematics Equipment (SME) packages sa mga pampublikong paaralan.

“Kung patuloy tayong makikinig, uunahin ang pundasyon, at susuportahan ang mga guro at punong-guro, then every reform will finally have a real chance to work,” ani Angara.