Lungsod ng Makati, 16 Enero 2026 — Ipinakita ng isang independent evaluation ang malinaw na Program (BBMP) ng Department of Education (DepEd), batay sa datos mula sa pilot implementation sa piling pampublikong paaralan sa Zamboanga Peninsula, partikular sa Region 9.pagbuti sa kakayahang bumasa ng mga batang kabilang sa Bawat Bata Makababasa
Ayon sa BBMP Post-Program Report ng Youth Impact, na isinagawa katuwang ang DepEd at ang World Bank, nakitaan ng makabuluhang pag-angat sa literacy ang mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 3, at sa lahat ng wika ng pagtuturo—Mother Tongue, Filipino, at English—sa anim na pampublikong paaralan na saklaw ng pag-aaral.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na pinatutunayan ng mga resulta ang kahalagahan ng malinaw at tutok na interbensyon sa early grade, at idinagdag na ang mga aral mula sa BBMP evaluation ay ginagamit na upang patibayin ang pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) program.
“Malinaw ang aral dito na kapag tinutukan mo ang bata, kapag binigyan mo ng oras at tamang suporta, natututo sila. Hindi ito himala, trabaho ito na pinagtutulungan ng mga guro at ng komunidad,” ani Angara, at binigyang-diin na nananatiling sentro ng agenda sa edukasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbawi at pagpapalakas ng kakayahang bumasa.
Partikular na ipinakita ng assessment na sa hanay ng mga Grade 2 learners sa Filipino, tumaas ang bahagdan ng mga batang bumabasa sa tamang antas mula 2.23 porsiyento bago ang programa tungo sa 26.22 porsiyento matapos itong maisagawa—halos 24 percentage points na pag-angat.
Tumaas din ang average reading proficiency ng mga mag-aaral mula 1.28 tungo sa 2.40, na katumbas ng mahigit isang buong school year na pagkatuto na naabot sa loob lamang ng maikling panahon ng interbensyon.
Tinataya ng mga researcher na apat hanggang limang beses na mas mabilis ang learning gains sa ilalim ng BBMP kumpara sa karaniwang bilis ng pagkatuto sa regular na klase. Kung wala ang programa, ipinakita ng datos na mas malamang na nakaranas ng learning loss ang mga mag-aaral sa panahon ng bakasyon sa halip na pag-unlad.
Pinagtibay din ng mga obserbasyon sa field ang mga numerong resulta, kung saan napansin ang pagtaas ng kumpiyansa at aktibong pakikilahok ng mga mag-aaral. Ayon sa mga guro, mas naging handang magbasa at makilahok sa klase ang mga batang dati’y hirap magbasa, ilang araw lamang matapos ang targeted instruction.
Pinakamalakas ang naging epekto ng programa sa mga paaralang may nakatalagang oras para sa remediation at kung saan ang mga mag-aaral ay pinangkat batay sa kanilang aktuwal na reading level.
“We are gradually working to establish reading corners in the students’ homes by providing localized learning materials…so that students can continue practicing and engaging with the lessons outside school. Issues on parents’ literacy levels still persist and affect learner engagement,” ayon sa ulat, batay sa pahayag ng isang field implementer.
Inirekomenda rin ng ulat ang pagpapalakas ng mentoring para sa mga guro, pagpapasimple ng monitoring systems, at mas maagap na paglalaan ng learning resources upang mapanatili at mapalawak ang mga nakitang gains. Iminungkahi rin ang isang follow-up impact evaluation upang higit pang mapagtibay ang resulta ng pilot.
Ang BBMP ay isa sa mga Summer Programs ng DepEd noong 2025 na naglalayong tulungan ang mga mag-aaral na nahihirapang magbasa na maabot ang tamang antas ng pagbasa sa kanilang baitang. Ito ay ipinatupad sa Region 9.
Sinabi ng DepEd na magsisilbing gabay ang mga resulta ng pag-aaral sa patuloy na pag-aayos at pagpapalakas ng mga programa sa learning recovery at literacy, habang nakahanda ring magsagawa ng mas malawak na pagsusuri upang suportahan ang posibleng nationwide implementation.

