![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 17 Enero 2026 — Sa Ramon Torres Louisiana National High School sa Barangay Ma-ao, Bago City, Negros Occidental, ang kaligtasan ng mga mag-aaral ay hindi lamang adhikain ng paaralan. Isa na itong kolektibong responsibilidad na hinuhubog ng tuloy-tuloy na pagtutulungan ng mga guro, magulang, barangay officials, at kapulisan.
Bago matapos ang 2025, isinagawa ng paaralan ang taunang Children’s Rights, Anti-Bullying, at Drug Abuse Prevention Program. Dumalo rito ang mga magulang kasama ang mga mag-aaral, guro, at community partners. Ipinakita ng aktibidad ang matagal nang pagsisikap ng paaralan na tugunan ang usapin ng bullying, peer pressure, at panganib ng ilegal na droga sa pamamagitan ng bukas na usapan at koordinasyon na lampas sa loob ng campus.
Pinangunahan ni School Principal Helen Dela Cruz, kasama ang faculty at staff at ang School Parent-Teacher Association na pinamumunuan ni President Roger Palma, ang pakikipagtulungan sa Barangay Ma-ao Council at sa Philippine National Police. Nakatuon ang mga sesyon sa karapatan at responsibilidad ng mga mag-aaral, pati na ang tunay na epekto ng karahasan at pag-abuso sa droga. Pinalakas din ng mga resource speakers at VAWC Desk Officers ang mga mensahe tungkol sa child protection at kapakanan ng kabataan.
Ibinahagi ni faculty president Ronald Alegre na ang inisyatiba ay bunga ng mga konkretong hamon na nararanasan ng komunidad ng paaralan.
“May banta [ang mga kaso ng bullying, peer pressure, at illegal drugs exposure] sa kaligtasan, asal, at pag-aaral ng mga bata, kaya kailangan itong harapin agad para mapanatili ang isang ligtas at suportadong learning environment,” ani Alegre.
Dagdag pa niya, “Nagkaisa ang paaralan, mga magulang, at komunidad sa pamamagitan ng awareness campaigns, seminars, at regular na ugnayan sa Barangay Ma-ao Council at sa PNP. Aktibong mino-monitor ng mga magulang ang kanilang mga anak, habang ang PNP ay nagbigay-gabay sa mga batas at sa masasamang epekto ng bullying at pag-abuso sa droga.”
Ayon sa kanya, nakapagtala ang paaralan ng pagbaba ng mga kaso ng bullying.
Bagama’t inorganisa mismo ng paaralan ang aktibidad, ang ganitong pamamaraan ay kaayon ng itinataguyod sa guidelines ng DepEd sa ilalim ng Kaagapay Program, na binibigyang-diin ang papel ng mga magulang at komunidad bilang katuwang sa proteksyon at kapakanan ng learners.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalaga ang mas matibay na ugnayan ng paaralan, pamilya, at komunidad sa pagtugon sa karahasan at mga isyu sa kaligtasan sa mga paaralan.
“Mahalaga ang ganitong mga hakbang ng paaralan—yung hindi naghihintay ng problema bago kumilos, kundi agad na nakikipag-ugnayan sa magulang at komunidad. Doon talaga mas nagiging ligtas ang learners at mas nasusuportahan ang mga guro,” ani Angara.
Ngayong 2026, magsasagawa ang kagawaran ng limang batch ng orientation sa Revised Implementing Rules and Regulations ng Anti-Bullying Act of 2013 upang bigyan ang mga regional at division focal persons at mga school head ng mas malinaw at updated na gabay sa paghawak ng bullying cases.
Nakikipagtulungan din ang DepEd sa Stairway Foundation Inc. sa pagbuo ng anti-bullying classroom decks na magsisilbing batayan ng session guides. Layunin nitong tulungan ang mga guro na mag-facilitate ng angkop sa edad na talakayan sa mga mag-aaral, na target ilunsad sa School Year 2026–2027.
Para sa Ramon Torres Louisiana National High School, ramdam na ang epekto sa mga maliliit ngunit tuloy-tuloy na hakbang. Sa patuloy na pakikilahok ng mga magulang, bukas na ugnayan sa lokal na awtoridad, at paulit-ulit na pag-uusap taon-taon, unti-unting nabubuo ang mas ligtas na kapaligiran—isang partnership sa bawat pagkakataon.
“Kapag sama-sama ang pamilya, komunidad, at mga awtoridad, mas nagiging epektibo at pangmatagalan ang prevention efforts. Dito nabubuo ang isang paaralan kung saan ang learners ay tunay na ligtas at suportado,” dagdag pa ni Teacher Alegre.


