![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 19 Enero 2026 — Makikinabang agad ang mga Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) coordinators, guro, at mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa sa bagong disaster preparedness training at science-based tools, kasunod ng paglagda ng memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Department of Education at ng University of the Philippines kamakailan sa Diliman, Quezon City.
Layunin ng partnership na tugunan ang matagal nang kakulangan ng mga paaralan sa disaster-prone areas—kabilang ang kakulangan sa localized hazard data, malinaw na training, at maayos na emergency protocols—na naglalagay sa kapahamakan sa mga guro at mag-aaral tuwing may baha, lindol, at iba pang sakuna.
Sa ilalim ng kasunduan, magbibigay ang UP ng technical at scientific expertise upang suportahan ang disaster risk reduction, climate change adaptation at mitigation, at emergency response efforts ng DepEd sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layon ng partnership na masigurong handa ang mga paaralan bago pa man tumama ang sakuna upang mabawasan ang pagkaantala sa pagkatuto.
“Hindi dapat napuputol ang pagkatuto dahil lang sa kakulangan ng paghahanda. Sa tulong ng UP, through its research and public service mandate, masisiguro nating handa ang ating mga guro at mag-aaral—may tamang kaalaman, datos, at sistema para manatiling ligtas at makabangon agad kapag may sakuna,” ani Angara.
Bilang agarang hakbang, hinihikayat ng DepEd ang mga DRRM coordinators nationwide na mag-enroll sa relaunched Fundamentals of Resilience Massive Open Online Courses (MOOCs) na inaalok ng UP Resilience Institute katuwang ang UP Open University. Libre at fully online ang mga kurso, na tatakbo mula Enero 26 hanggang Pebrero 20, 2026, at sasaklaw sa basics of resilience at hazard at risk assessment.
Sinabi naman ni UP President Angelo Jimenez na binibigyang-diin ng kolaborasyon ang papel ng UP bilang pambansang unibersidad sa pagprotekta sa learners at guro, lalo na habang tumitindi ang climate-related risks.
Ipapatupad ang partnership sa pamamagitan ng UPRI na pinamumunuan ni Executive Director Mahar Lagmay, na tutulong sa DepEd sa pagsasagawa ng multi-hazard risk assessments, pagbuo ng localized hazard maps, pag-integrate ng disaster risk reduction at climate adaptation modules sa learning platforms, at pagdisenyo ng digital hazard risk platform at monitoring systems.
Para sa mga paaralan ng DepEd, ang agarang epekto nito ay mas malinaw na access sa training, data, at tools para gawing mas praktikal ang disaster preparedness habang binabawasan ang pangamba ng mga guro at tumutulong na makabalik agad ang mga mag-aaral sa ligtas na silid-aralan matapos ang mga sakuna.


